Trahediya ang sinapit ng isang pamilya nang mamatay ang kanilang padre de pamilya matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang multicab sa Negros Occidental. Ang CCTV footage, tila nagbigay daw ng premonisyon nang makunan sila na tila wala silang mga ulo.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nakiramay noon sa libing ng isang kaibigan ang pamilya ni Emae Ann Paring, taga-Toboso.
Pagkagaling sa libing, may pupuntahan pang ibang lugar sina Emae, ang asawa niyang si Badong, at anak nilang si Mikay.
Ngunit sa kasamaang-palad, bumangga ang motorsiklo ng pamilya sa nakasalubong nilang multicab habang binabagtas ang Pandanon Silos Provincial Road.
Sugatan sina Emae at Mikay at naidala pa sa ospital, ngunit dead on arrival si Badong.
Ngunit natakot ang marami dahil ilang segundo bago ang aksidente, nahuli-cam sa CCTV ang pamilya na tila walang mga ulo habang binabaybay ang kalsada.
Makalipas ang dalawang linggo, minumulto pa rin si Emae ng insidente.
“Bigla na lang gumewang-gewang ‘yung motor at nakahawak ako sa mister ko. Madami kaming sasakyang nakasalubong, napasabi pa nga ako ng ‘Gang!’” pagsasalaysay ni Emae sa aksidente.
“Paggising ko umiiyak na ‘yung anak ko. Hindi ko magalaw ang kamay ko sa sobrang sakit. ‘Yung tumutulak sa akin sa wheelchair sabi niya ‘Pasensiya na, ma’am, ‘yung mister niyo po, DOA talaga siya,’” pagpapatuloy ni Emae.
Nang mapanood ang CCTV, kinilabutan maging si Emae.
“May pagkakataon talaga makita mo, maniniwala ka na lang kasi tumatayo ‘yung balahibo ko kasi nawala ‘yung ulo,” sabi ni Emae.
Hinala ni Emae, sa Misa ng patay lang sila dumalo at hindi na nakipaglibing hanggang sa sementeryo, na ayon sa paniniwala ng ilan ay malas.
Para masagot ang ilan niyang mga katanungan, binalikan ni Emae ang pinangyarihan ng insidente. Sa sasakyan pa lamang, hindi na siya makapagpigil sa kaniyang emosyon.
Ayon naman sa Secretary ng Barangay Pandaon Silos na si Rommel Tubongbanua, nag-iisa lamang ang record na nakuhanan ang pamilya na putol ang kanilang mga ulo.
Dagdag ni Tubongbanua, hindi ito ang unang beses na may naaksidente sa kalsada, dahil umaabot ng lima hanggang anim na aksidente ang kalsada kada taon.
Tunghayan sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang paliwanag ng isang video expert at ng mga awtoridad tungkol sa video na nakunang pugot ang pamilya, at ang hinala ni Emae na puno’t dulo ng aksidente. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News