Matagumpay na nabuhay nang halos dalawang linggo ang isang aktuwal na fetus ng tupa na inilagay artificial womb na binuo ng mga doktor sa Barcelona, Spain. Puwede rin kaya itong gamitin sa fetus ng tao?

Sa ulat ng Next Now, sinabing lumabas sa eksperimento ng mga doktor na nabuhay ang fetus sa loob ng artificial womb ng 12 araw.

“It continues to breathe through the umbilical cord so we don’t force it to breathe through lungs that are not yet fully developed, to feed it through the umbilical cord to live surrounded by liquid at a constant temperature,” paliwanag ni Dr. Eduard Gratacos, BC Natal Artificial Womb Project.

Gawa sa biocompatible material ang artificial placenta prototype o materyales na hindi peligroso sa buhay na tissue.

Mayroon itong amniotic fluid circulation system na pumipigil sa external stimuli o mga bagay na nagdudulot ng reaksyon sa fetus.

“With that we think that we could avoid some of the major problems that these very, extremely preterm newborns face and they could be kept in the system for a few weeks and they could reduce very significantly the mortality,” sabi ni Gratacos.

Balak ng team na subukan ang artificial womb sa fetus ng mga baboy. Kung magtatagumpay din, sunod nilang imumungkahi na gamitin ito sa fetus ng tao.

Inaasahan na makatutulong artificial womb upang maisalba ang buhay ng mga sanggol na premature na isinilang.

Batay sa tala ng World Health Organization, nasa 900,000 na sanggol ang nasawi sa mundo dahil sa premature birth.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News