Makakasama na ng "madlang pipol!" tuwing tanghali simula sa July 1, 2023 sa GTV (Good Television) ng GMA sina Vice Ganda at ang buong tropa ng “It’s Showtime” ng ABS-CBN.

Sa Instagram, ipinost ng GMA Network ang pahayag ng ABS-CBN kaugnay sa mga pagbabago sa naturang noontime show.

“We are also very grateful to GMA’s GTV Channel and happy to announce that ‘It’s Showtime’ has found another home,” ayon sa ABS-CBN.

“G na G tayo, Madlang People!” dagdag nito patungkol sa mga sumusuporta sa kanilang programa.

Una rito, nag-post din ang GTV at pati na si Vice Ganda ng poster tungkol sa magiging bagong tahanan ng “It’s Showtime.”

Kabilang sa mga host ng programa sina Vhong Navarro, Anne Curtis, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Karylle, Jhong Hilario, Ryan Bang, Amy Perez, Kim Chiu at Ogie Alcasid, at iba pa.

Matatandaan na nitong buwan, inanunsyo ng mga host ng "Eat Bulaga" sa pangunguna nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon, ang pagkalas nila sa TAPE Inc, na producer ng programa, at blocktimer na napapanood sa GMA 7.

Pumalit na mga bagong  host ng “Eat Bulaga” sina Paolo Contis, Betong, Buboy Villar, Mavy and Cassy Legaspi, Alexa Miro, at Isko Moreno. —FRJ, GMA Integrated News