Tuluyan nang pumanaw ang ginang na unang nadiskubreng humihinga sa loob ng kaniyang kabaong habang pinaglalamayan sa Quito, Ecuador noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nag-viral ang video ni Bella Montoya, 76-anyos, noong nakaraang linggo makaraang siyang mabuhay habang pinaglalamayan.
Makikita sa viral video na inaalalayan si Montoya habang nakahiga sa kaniyang ataul na nakabukas.
Una rito, sinabi ng anak ng ginang na nakarinig sila ng katok sa loob ng ataul kaya nila nalaman na buhay pa ang kaniyang ina, na nauna nang idineklara sa ospital na pumanaw na.
Nang araw na iyon, ibinalik si Montoya sa ospital na unang nagdeklara sa kaniya na patay na.
Pero noong Biyernes, sinabi ng Health Ministry na tuluyan nang pumanaw ang ginang matapos makaranas ng stroke.
Pinaimbestigahan nila ang naunang deklarasyon ng ospital na patay na ang pasyente.
Ayon sa local media, nakaranas si Montoya ng tinatawag na kondiyon na catalepsy, kung saan naninigas ang katawan, nawawalan ng malay at pakiramdam ang isang tao.--FRJ, GMA Integrated News