Dahil sa gastusin sa gamot ng kaniyang anak na may pambihirang sakit, at nais din matulungan ang kaniyang ina na nasunugan ng bahay, iniaalok ngayon ng isang freelance photographer ang kaniyang serbisyo sa kahit na magkano ang nais na ibayad sa kaniya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing ikinagulat ng netizens ang post ng 49-anyos na litratista at 14 taon nang freelance photographer na si Alexander Juni.
"During these days, I don't give specific prices for the photo services that I do. I accept how much the client can afford to give," saad ni Alexander sa post.
“I am doing this to support my son’s medicines who is diagnosed with Duchenne Muscular Dystrophy and for my mom who was affected of fire accident,” dagdag ni Alexander.
Ayon kay Juni, umaabot ang kanilang gastusin ng P3,000 kada linggo para sa kaniyang anak.
Sa bahay na kanilang inuupahan sa Sucat, Parañaque, makikita kung paano tila bilanggo sa sarili nitong wheelchair ang bunsong anak ni Alexander na si Angel, 11-anyos.
Pirming nakabaluktot ang dalawang paa ni Angel, habang hindi niya maiunat ang kaniyang mga kamay. Nahihirapan din siya na humawak ng anumang bagay kaya hirap din ang bata sa pagkain.
Normal nang isilang si Angel pero napansin nina Alexander at kaniyang misis ang pagbabago sa kilos ng kanilang anak at hirap nang maglakad nang maging edad 9 na ito.
Ang Duchenne Muscular Dystrophy na sakit ni Angel ay namamana. Sa naturang sakit, dahan-dahang nanghihina ang mga muscle sa katawan ng maysakit.
Bago kay Angel, nakaranas na rin ng naturang sakit ang panganay na anak ni Alexander na si Axl Jan, na pumanaw noong 2019.
Sa kabila ng sinasabi ng mga doktor na kadalasang may taning ang mga nagkakaroon ng ganitong sakit, umaasa si John na madudugtungan pa rin ang buhay ni Angel.
“During panahon ni Axl, hirap na hirap ako. Ngayon, I know what to do now dahil si Angel kasi, nakita niya si kuya na ganiyan, kaya strong si Angel. Siya po ang nagbibigay ng blessing sa amin. He is an angel. At ‘yan pa po ang pag-asa naming dasal na sasagutin ni Lord, ‘yung miracle of healing, kasi powerful si Lord,” sabi ni Alexander.
“Pakiusap ko talaga madidinig Niya kami,” emosyonal na sabi ni Alexander.
Kaya naman umaasa si Alexander sa kaniyang raket bilang isang freelance photographer, at dito kinukuha ang araw-araw nila na panggastos, pati na ang lingguhang maintenance medicine ni Angel.
“Sinasabi ko ‘Bahala na po kayo.’ Hindi po ako nagde-demand.’ Sinubukan ko pong mag-rate kaso ‘yung ibang client po talaga naghahanap ng mura, so instead na meron, nawawala. So okay na po sa akin kahit maliit, basta meron. Minsan P2,000, P3,000, P5,000.”
Nadagdagan pa ang pagsubok sa buhay ni Alexander nang masunog ang bahay ng kaniyang ina na si Ines Juni sa Candijay sa Bohol.
Kaya naman pansamantalang nakikisilong sa kubo ng kanilang kapitbahay si Nanay Ines.
“We have a traditional belief na kapag nasunugan, huwag kang makikitulog dahil mayroong malas sa bahay na nasunog. Huwag mong dalhin sa ibang bahay,” sabi ni Nanay Ines.
“Kung minsan, ang anak kong iyon, kahit wala na siya pinapadala niya sa akin, sabi ko ‘Huwag! Intindihin mo muna ‘yung gamot ng anak mo diyan,” sabi ni Nanay Ines tungkol kay Alexander.
Ilan sa mga tumulong kay Alexander ang engaged nang magpartner na sina Rogelio Catibog Jr. at Roselyn Amano, na kinomisyon siyang kuhaan ang kanilang pamamasyal sa Eastern Samar.
Nagpaabot na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Candijay, at tiniyak nilang ilalapit si Nanay Ines sa kanilang pabahay program.
Ang programa namang KMJS, sinamahan sina Alexander at Angel sa isang espesyalista, at nagpaabot ng pinansiyal na tulong sa mag-ama.
Isa namang camera shop ang nagmagandang loob na bigyan si Alexander ng dagdag na photography equipment.
Sa kabila ng kinakaharap na matinding pagsubok sa buhay, nananatiling matatag ang pananampalataya ni Alexander, at hindi siya susuko.
"Ganun po ang buhay ko, I need to accept it. I need to carry my cross. Ayokong sumuko, para sa akin walang salitang pagod. Puwedeng magpahinga pero walang salitang pagod pagdating sa pamilya," saad niya.
--FRJ, GMA Integrated News