Mainit na isyu ngayon sa London ang ginawang pagbaril at pagpatay ng mga pulis sa dalawang aso na alaga ng isang homeless man. Dito sa Pilipinas, isang aso rin umano ang binaril ng pulis na mapalad naman na nabuhay. Ano nga ba ang nakasaad sa batas dito sa ating bansa kung mga alagad ng batas o kawani ng gobyerno ang masasangkot sa kaso ng animal cruelty
Sa segment na Kapuso sa Batas sa GMA show na "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na ang Republic Act 8485 o Animal Welfare Act ang batas na umiiral sa Pilipinas para protektahan ang mga hayop, tulad ng aso.
READ: 2 aso ng isang homeless man sa London, patay matapos barilin ng rumespondeng pulis
READ: Hustisya, hiling ng isang pamilya sa Cebu City para 5 aso nila na nilason umano
Aniya, sa ilalim ng naturang batas, ipinagbabawal ang pagpatay, pag-torture, pagmamalupit, pag-abandona, at iba pang paraan ng pagpapabaya at pang-aabuso sa mga hayop.
Pero hindi kasama sa batas ang pagpatay ng baka, baboy, manok, kambing, rabbit, o mga hayop na madalas o karaniwang kinakain ng mga tao.
Ipinaliwanag ni Concepcion na bawal ang pagpatay sa aso, maliban kung para sa ritwal o tradisyon ng mga katutubo. Pinapayagan din ang pagpatay sa hayop kung isa itong mercy killing o dahil sa awa, dahil may sakit o kapansanan na hindi na magagamot, o nakararanas ng matinding sakit at malubha na ang kalagayan nito.
Itinatakda rin umano sa batas na kahit maaaring patayin mga hayop na karaniwang kinakain, dapat gawin ang pagpatay sa makataong paraan, o hindi mahihirapan ang hayop.
Ayon kay Concepcion, ang mga mapapatunayan na pumatay at nagpahirap sa hayop ay may parusang pagkakakulong ng dalawang taon at multa.
Kung dumanas ng matinding pahirap ang hayop pero hindi namatay, ang parusa umano sa taong nasa likod nito ay isang taon hanggang anim na buwan na pagkakakulong.
Sabi pa ni Concepciom, kung hindi masyado ang ginawang pananakit o pagpapabaya sa hayop, ang parusa ay aabot sa isang taong pagkakakulong.
Pero paalala ni Atty. Gaby, kung alagad ng batas o kawani ng gobyerno ang sangkot sa pagpatay o pagpapahirap sa hayop gaya ng aso, mas mataas ang kakaharapin niyang parusa na aabot ng tatlong taon na kulong at hanggang P250,000 na multa.
Ayon kay Atty. Gaby, dapat laging ipaalala sa mga taong nasa gobyerno na public office is public trust, at dapat na mag-set ng good example ang mga public officer. --FRJ, GMA Integrated News