Kahit naaksidente ang kanilang sinasakyan, itinuloy ni Gigi De Lana at ng kaniyang banda ang gig sa Ilocos Norte. Pero hindi nila natapos ang pagtatanghal dahil biglang nawalan ng malay ang singer habang nasa stage.
Sa post ni Krissy Achino sa Twitter, sinabi nito na inaawit sa stage ni Gigi ang "Noypi" nang bigla itong manghina.
Kaagad na inaalalay ng medical team si Gigi, at kinalaunan ay binuhat na paalis ng stage.
Towards the end of the song “Noypi”, De Lana holds on to the mic stand showing signs of weakness. Her team & the First-Aid Responders immediately rush to check on her. The Gigi Vibes Band continues to play, while the audience cheer for her. #LateTweet pic.twitter.com/FBaAs6B3PZ
— Tita Krissy Achino (@KrissyAchino) May 14, 2023
Sa Facebook ni Gigi, naglabas ito ng pahayag tungkol sa pagkakaaksidente nila dakong 10:20 am nang bumangga ang sinasakyan nilang van nitong Mayo 14.
Galing umano ang grupo sa "Sulong Aurora Event" at patungo sa "Himala Sa Buhangin Event sa Ilocos Norte" nang mangyari ang aksidente.
Nagtamo umano ng minor injuries ang ilang miyembro ng banda kabilang si Gigi.
"Fortunately, no one else was involved in the accident, and all issues have been resolved. The band and crew have received medical clearance from the Ilocos Training and Regional Medical Center Hospital, and they will continue their journey to tonight's show," ayon sa naturang pahayag, kung saan hindi na nga natapos ni Gigi ang event nang mawalan siya ng malay.
Sa isa pang pahayag, nangako ang banda na babalik sila sa Ilocos at "magsasaya tayong muli."
"Hindi man namin natapos ang tugtugan, naramdaman namin ang inyong mainit na pagtanggap sa aming banda. Mga taga-Ilocos Norte, mahal namin kayong lahat," ayon sa pahayag.
Hiniling din sa naturang pahayag na ipagdal si Gigi at mga miyembro ng banda para sa mabilis nilang paggaling dahil sa nangyaring aksidente.
Kinansela na rin ng grupo ang nakatakda nilang pagtatanghal sa Talavera Nueva Ecija.
"Babawi po kami, and we promise to deliver a show that's worth the wait. Maraming salamat sa inyong taos-pusong pagmamahal!," ayon sa pahayag.--FRJ, GMA Integrated News.