Hindi dapat maliitin ang kita sa mani dahil ang isang pagawaan ng peanut butter sa San Jose del Monte, Bulacan, kaya raw tumabo ng hanggang P100,000 kada linggo.
Sa GMA show na "Unang Hirit," itinampok ni Chef JR Royol ang pagawaan ng peanut butter na pinatatakbo ni Rowena Garcia.
Ayon kay Garcia, nagkaroon sila noon ng kaniyang asawa ng bakery, kaya hindi talaga nila pangunahing produkto noon ang peanut butter.
Ngunit nang malugi ang negosyo sa tinapay, sinubukan naman nilang gawin ang peanut butter.
Nagsimula ang mag-asawang Garcia sa paggawa ng tatlong kilo ng peanut butter kada araw. Ngayon, nakagagawa na sila ng 600 kilo kada araw.
Ayon kay Garcia, maaari nang makapagsimula ang isang nag-iisip magnegosyo ng peanut butter sa halagang P1,000. Dito, puwede siyang magkaneto ng P500.
Tunghayan sa Unang Hirit ang mabusising proseso ng paggawa ng peanut butter, mula sa roasting at cooling ng mga mani, dehusking at ang kritikal na sorting para matiyak ang dekalidad na produkto. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News