Tinalakay ni Boy Abunda sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy Abunda" ang mga lumalabas na isyu tungkol sa naging panayam niya kamakailan sa Filipino-American actress na si Vanessa Hudgens. Kasama sa intriga ang umano'y pagkairita ni direk Paul Soriano dahil wala sa script ang ilan niyang tanong.
Si Soriano ang may-ari ng TEN17P Productions, na gumagawa ng film documentary ni Vanessa tungkol sa pag-trace niya ng kaniyang Filipino roots kaya bumisita sa Pilipinas kamakailan ang Fil-Am actress.
"Na-upset daw si direk Paul that caused for some of the one-on-one interviews to be shortened. Hindi ko po alam 'yon," sabi ni Tito Boy.
Pero matapos ang interview niya kay Vanessa, sinabi ng King of Talk na nagpaalam siya kay Soriano at naging maayos naman ang lahat.
"Kaya hindi po ako naniniwala that he had an issue with me because he could have called me out, if he was bothered, if he was pissed with Fast Talk, I would have felt it," ayon kay Tito Boy.
Inamin ni Tito Boy na wala sa script ang "Fast Talk" interview niya kay Vanessa pero ang mga tao umano na nasa venue ng media conference sa Bonifacio Global City ang sumigaw at humiling nito.
Naging curious din umano si Vanessa kung ano ang "Fast Talk." At matapos niyang ipaliwanag sa aktres kung papaano ang takbo ng naturang paraan ng interview, ginawa na niya ito.
Pero giit ni Tito Boy, binigyan siya ng program flow na kaniya namang sinunod, at hindi niya nakitaan ng indikasyon na na-offend si Vanessa sa kaniyang mga tanong sa Fast Talk.
"People who have worked with me, alam ho nila that I work hard on a script. A script is not what is written, a script is what is discussed among writers. Ano ba ang intensyon ng interview na ito?," paliwanag niya sa programa.
"I was to discuss kung ano na ang mga Tagalog words ang kaniyang natutunan, her Philippine experience, and that she just came from the Palace where she was appointed as honorary global tourism ambassador of the Philippines. Lahat po 'yan na nasa program flow, I covered," sabi pa ni Tito Boy.
"But an interview is more than just what is provided in a program flow," pagpapatuloy niya.
"Ano ho ba ang interview? May program flow, merong mga ifineed [feed], meron kaming research. That's the whole interview," paliwanag pa niya. "Did I go off-script? Hindi ho. I work hard on my interviews."
Matapos ng panayam, sinabi ni Tito Boy na nakatanggap pa siya ng positibong reaksiyon mula kay Vanessa at sa team nito.
"I got their text message from a reliable person from their team that they were happy hindi lang doon sa media conference. They were very happy with Vanessa’s visit to the Philippines and how it was handled. They were very happy about it. And in particular, they had no complaints and they were very happy with our interview during the media conference," saad ng TV host.
"I said goodbye to Vanessa. I went to Vanessa, 'Vanessa, thank you for the opportunity.' You know what she said? 'Boy, I love your energy,'" kuwento ni Tito Boy.
"Which I thought was a wonderful comment from a wonderful, bright intelligent girl... Maraming salamat Tita Gina, Stella (ina at kapatid ni Vanessa). Vanessa, mabuhay ka, thank you very much!" mensahe ni Tito Boy kay Vanessa.
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Tito Boy kung gaano niya binibigyan ng halaga ang kaniyang trabaho.
"In conclusion, ano ba ang problema? What is the problem? If you want a statement from me this is what I'm gonna say. I don’t just script my interviews. I live them," sabi ni Tito Boy. --FRJ, GMA Integrated News