Ikinuwento ni Rochelle Pangilinan na naipit sila noon sa hindi pagkakaunawaan ng dati nilang manager bilang SexBomb dancers at ang isang executive ng "Eat Bulaga," na dahilan kaya hindi na sila sumipot noon sa longest-running noontime TV show.
Sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, binalikan ni Rochelle na nasa taping sila noong 2011 ng “Daisy Siete” nang banggitin sa kanila na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang dati nilang manager na si Joy Cancio at dating producer na si Malou Choa Fagar.
Nagdesisyon sina Rochelle at ang kaniyang grupo na hindi makikialam sa naturang sigalot. Ngunit tinanong sila ng kanilang direktor sa Daisy Siete na si Pat Perez kung magpapakita sila sa Eat Bulaga sa susunod na araw.
“Tahimik lang ako kasi iniisip ko pa rin kung anong dapat gawin. In fairness ‘tong sa mga girls, may respeto sila sa akin. Sinusunod nila ako noong mga panahon na ‘yon kung ano ang magiging desisyon namin bilang ate,” saad niya.
Hindi umano naresolba ang gusot nina Cancio at Fagar at hindi umano alam nina Rochelle kung ano ang kanilang gagawin.
“Ako, firm ako roon sa desisyon ko na, ‘Hindi, a-attend tayo.’ So nag-meeting kami na alam ko somewhere in Timog,” sabi ni Rochelle.
“Kasi 'yung iba gusto na umuwi, 'di ba ganu’n ang SexBomb, ayaw na napapa-involve sa mga ganiyan. 'So uwi na lang kami ate, kasi baka 'pag um-attend naman tayo pagalitan tayo sa Eat Bulaga’ or ‘‘Pag um-attend tayo papagalitan tayo ni Ate Joy, 'pag hindi naman tayo um-attend magagalit ang Eat Bulaga, uwi na lang kami, mag-absent na lang kami today,'” patuloy niya.
Sinabi ni Rochelle na desisyon ng mayorya ang dapat masunod. Hanggang magpasya sila na mag-attend sa susunod na araw dahil kailangan pa rin nilang maging professional. Ngunit pinayuhan niya ang SexBomb Girls na mag-off muna ng kanilang mga cellphone.
Pagdating sa Broadway, na dating studio ng Eat Bulaga, isa sa SexBomb Girls ang hindi nakapag-off ng kaniyang cellphone, at nakausap ang manager nila na si Cancio.
“Tumawag si Lola tapos umiiyak na ‘Ano sa tingin niyo?’ E siyempre naawa si ano... kami e 'di hindi na rin kami um-attend,” sabi ni Rochelle. “‘Yun ang totoong nangyari sa side naming girls.”
“Kung ano man ‘yung side nila, ‘yun ang hindi ko na masasagot, kung ano ba talaga ang nangyari. Kasi kahit naman sa amin, hindi naman na-discuss nang gano’n ka-clear. Labas kami doon,” patuloy niya.
“Ngayon siyempre bilang respeto kay Ate Joy bumalik kami ngayon sa studio sa Kamias. So ayun ending, news kami,” pag-alala pa niya.
“Do you regret your decision back then?” tanong ni Nelson Canlas kay Rochelle.
“Yes,” tugon ni Rochelle. “Dapat naging professional pa rin kami. Siguro hindi sumama loob sa amin ng side ng Eat Bulaga, 'yung ganu’n ang feeling. Kasi for sure sumama ang loob nila sa amin after that incident,” saad ng SexBomb Dancer.
Dagdag pa ni Rochelle, ito ang parte ng kaniyang buhay na kaniyang babaguhin kung mababalikan pa niya ito at bibigyan ng pangalawang pagkakataon.
“Kung sakaling may magtanong talaga sa akin kung ano ‘yung babalikan ko sa buhay ko na babaguhin ko, ito ‘yung part na ito. Kasi ang feeling ko noon, nawalan ako ng paglaban sa buhay, hindi ako nag-decide. Na puwede naman kaming mag-decide at that time. Feeling ko lang natalo.”
Sa kabila nito, muling nabigyan ng pagkakataon si Rochelle na makapagsayaw sa stage ng Eat Bulaga nitong taon, at naging emosyonal siya dahil napanood pa siya ng kaniyang asawang si Arthur Solinap at anak na si Shiloh.
“Kahit na may mga pagkakamali kaming nagawa ay pinatawad pa rin nila kami, ay tinanggap pa rin nila kami. Ang sarap sumayaw sa Eat Bulaga kung saan ka nagsimula,” sabi ni Rochelle. --FRJ, GMA Integrated News