Sa labanan sa kategoryang Best Actress sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 1980, tinalo ni Amy Austria ang dalawang premyadong aktres na sina Nora Aunor at Vilma Santos.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Amy kung ano ang naramdaman niya nang talunin niya ang Superstar at ang Star For All Season.
"I was so blessed, na pinagpala ako ng magandang role, na nagkaroon ako ng opportunity na maipakita or magawa 'yung... 'yung pagkakagawa kasi ng mga eksena, maganda eh," sabi ni Amy, na bida noon sa pelikulang "Brutal."
Ang kuwento ng "Brutal" ay tungkol sa isang babae na pinatay ang kaniyang asawa at mga kaibigan. Hanggang sa naging interesado ang isang journalist na tuklasin ang katotohanan sa likod ng mga pagpatay.
Bida naman noon sa dalawang pelikula si Nora para sa "Bona" at "Kung Ako'y Iiwan Mo," habang "Langis at Tubig" naman ang pelikula ni Vilma.
Ayon kay Amy, hindi nangangahulungan na mas magaling ang nanalo ng best actress, kaysa sa kaniyang mga nakatunggali.
"Minsan sa totoo lang 'yung pagiging best actress hindi naman ibig sabihin mas magaling ka kaysa sa ibang natalo mo. Nagkataon lang na mas maganda 'yung role mo, mas marami kang dramang eksena, mas naipakita mo 'yung kaya mong gawin," mapagpakumbabang paliwanag ni Amy. -- FRJ, GMA Integrated News