Ang maalat na tubig-dagat, posible na ring mainom ng mga residente sa Tanza, Cavite sa tulong ng isang kapaki-pakinabang na desalination at filtration system.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Kuya Kim Atienza, sinabing sa poso, gripo, o water refilling stations dating kumukuha ng tubig-inumin ang mga tao.
Pero ngayon, nalilinis na ang tubig sa dagat na kanilang iniinom sa pamamagitan ng hydra system.
Idinsenyo ito ng non-government organization na NXTLVL water technology, na layong makapagbigay ng de-kalidad na tubig sa mga lugar na kulang nito.
Isa lamang ang kanilang facility sa Tanza, Cavite sa mahigit 10 proyekto nila sa buong bansa.
Sa hydra system, kukuha ng tubig mula sa dagat gamit ang isang well, na papupuntahin sa kanilang pasilidad para tatanggalin ang dumi at alat hanggang sa puwede nang inumin.
Sumasailalim ang tubig-dagat sa nine-step filtration at desalination system kaya naman naaalis pati ang bacteria at microplastics.
Nakalilikha ang kanilang sistema ng 11,000 litro o 500 gallon, o jug kada araw.Ibinibenta nila ito sa halagang P18 kung resellers at P20 kung sa mga residente.
Bukod dito, nabibigyan din ng system ng trabaho ang mga residente, dahil halos lahat ng kanilang mga empleyado ay mga taga-Tanza.
Pinatatakbo rin ang mga pasilidad ng solar power, kaya maituturing sustainable o pangmatagalan ang proyekto.-- FRJ, GMA Integrated News