Sa loob ng nakalipas na apat na taon, naglalaro sa isip ng isang mister na hindi niya anak ang kanilang bunso at nagtaksil sa kaniya ang kaniyang misis. Pero ang lahat, matutuldukan na sa pamamagitan ng resulta ng DNA test.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing humingi ng tulong sa programa ang ginang na si Gina, 'di niya tunay na pangalan, mula sa Cagayan de Oro City, upang maipa-DNA test ang kaniyang apat na taong gulang na bunso na si Andy, di tunay na pangalan, at ang kaniyang mister na itinago sa pangalang Lino.
Pinagdududahan umano ni Lino na anak niya si Andy, dahil bukod sa hindi raw niya ito kamukha, hindi rin kamukha ng panganay nilang anak na si Jelly, 'di rin tunay na pangalan, at limang taong gulang.
Bukod sa hindi umano kamukha, naglalaro rin sa isipan ni Lino na baka nagtaksil sa kaniya si Gina dahil may nakita siya noon na lalaki na nakatayo sa pintuan ng kanilang inuupahang kuwarto.
Sinabi pa ni Lino, na kapag nagtatalik sila ni Gina, ginagamit nila ang "withdrawal" method para hindi mabuntis ang kaniyang asawa.
Pero sa kabila ng mga pagdududa ni Lino, naninindigan si Gina, na hindi siya nagtaksil sa asawa, at anak nila ni Lino si Andy.
Napag-alaman din na may unang nakarelasyon noon si Gina, at nagkaroon ito ng isang anak. Ngunit sa kabila nito, tinanggap naman ni Lino si Gina dahil mahal niya ito.
Hanggang sa nagkaroon na nga ng lamat ang kanilang pagsasama nang mabuntis si Gina, at iluwal niya si Andy.
Labis na nasasaktan si Gina kapag nakikita niya ang pagtrato ni Lino kay Andy na iba kaysa kay Jelly, dahil lang sa hinala ng mister na hindi nito anak ang kanilang bunso.
Kaya para malaman ang totoo, lumapit si Gina sa KMJS team upang ipa-DNA ang bunso at Lino upang makumpirma na mag-ama talaga ang dalawa. At sa ganitong paraan, hindi rin tuluyang masira ang kanilang pamilya.
Ayon naman sa isang eksperto, sadyang hindi siguradong mabisa ang "withdrawal" method bilang sistema ng family planning o para hindi mabuntis ang babae.
Base umano sa pag-aaral, umaabot sa hanggang 80 porsiyento na puwedeng mabuntis ang babae sa naturang paraan ng "withdrawal" lalo na kung hindi tama ang "timing."
At base naman sa resulta ng DNA test na ginawa kina Lino at sa pinagdududahan niyang anak, lumitaw na 99.999996% na match ang kanilang DNA.
Dahil dito, kumpirmado na anak ni Lino ang kanilang bunso. Kaya naman ang ama, labis-labis ang paghingi ng tawad kay Gina na pinagdudahan niya ng pagtataksil.
Humingi rin si Lino ng tawad sa kanilang bunso dahil sa ginawa niyang pagdududang anak niya ito.
Panoorin sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News