Nagulat ang isang guro sa mga regalong natanggap niya mula sa kaniyang mga estudyante para sa Valentine’s Day sa General Santos City. Bukod sa mga bulaklak at tsokolate, may kasama pang buhay na manok.
“Ang una kong na-feel, na-shock ako na, ‘Ay manok na buhay!’ Nagulat ako. So far memorable itong Valentine dahil may manok akong natanggap,” sabi ni Teacher Herlyn Joy sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din ng GMA News Feed.
Ayon kay May Ann Galilon, ina ng bata na nagregalo ng manok, ang anak niya talaga ang nag-isip na bigyan ng kakaibang Valentine gift si Teacher Herlyn, bilang tanda ng pasasalamat ng bata sa guro.
Matiyaga sa pagtuturo si Teacher Herlyn kaya kahit ang mahihirap na mga aralin, nagiging sisiw lang sa mga bata.
“Sabi niya sa akin, ‘Ma, nag-aalaga tayo ng manok kaya manok na lang ang dadalhin ko. Wala naman akong ibang maibigay.’ Okay lang naman sa amin ang mabawasan ng manok basta at least na may maibigay siya sa teacher,” sabi ni Galilon.
Nagulat man noong una, napukaw ang damdamin ni Teacher Herlyn sa natanggap na regalo.
Masaya ring tinanggap ng guro ang iba pang ibigay ng kaniyang mga estudyante.
Sisikapin pa ni Teacher Herlyn na matulungan ang mga bata para sabay-sabay na matupad ang kanilang hiling na makatapos ng pag-aaral.
“Ang makatapos sila sa kanilang pag-aaral at matupad ang pangarap nila sa buhay,” sabi ni Teacher Herlyn.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News