Maraming Pinoy ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa sa pag-asang makahanap doon ng suwerte upang maiahon sa hirap ang mga mahal sa buhay. Pero ang isang overseas Filipino worker sa Dubai, United Arab Emirates (UAE), hindi lang basta sinuwerte, naka-jackpot pa sa lotto na 15 million dirhams ang premyo, o katumbas ng mahigit P200 milyon.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na mula sa lalawigan ng Bulacan ang masuwerteng OFW na si Russell Reyes.
Lumaki sa mahirap na pamilya si Russell, kaya naunang nagtrabaho sa Dubai ang kaniyang kuya.
Naiwan naman si Russell para matulungan ang kanilang ama at ina. Pero hindi sapat ang kaniyang kinikita sa mga trabaho para mabigyan ng maginhawang buhay ang kaniyang mga magulang.
Hanggang sa isang araw, hinikayat na rin siya ng kaniyang kuya na sumunod na rin sa Dubai upang doon na magtrabaho.
Kahit maliit ang sahod kaysa sa inaasahan, tinanggap ni Russel ang trabaho. Pero nagpursige siya hanggang sa mapansin ang kaniyang kasipagan at mabigyan ng promotion.
Nasa 15 taon na siyang kumakayod sa Dubai nang maisipan niyang subukan ang suwerte sa lotto doon, na nataon pa sa petsang 13 nitong nakaraang Enero 2023, na itinuturing malas na araw sa iba.
Pero nagpatuloy si Russel sa pagtaya, at laking gulat niya matapos na makatanggap siya ng tawag na siya ang nanalo ng jackpot na 15 million dirhams.
Ayon kay Russel, bahagi ng kaniyang premyo ay ilalaan niya sa kinabukasan ng kaniyang anak, at para sa kaniyang mga magulang.
"Sa anak ko, mabigyan ko siya ng magandang kinabukasan, education plan sa anak ko, health insurance, mabigyan ng negosyo yung tatay ko, tsaka yung ina ko, mapagawa yung bahay," saad ni Russel.
Sabi pa niya, "Hindi naman sa nanalo tayo hihinto na ang lahat. Kung hindi mo pagtatrabahuhan yang napanalunan mo mawawala 'yan one click. Kasi pera yan mabilis maubos 'yan." --FRJ, GMA Integrated News