May iba't ibang uri ng pagkain na maaaring ibigay sa mga alagang aso. Pero gaano nga ba katotoo na maganda sa kalusugan ng mga fur baby ang hilaw na mga pagkain gaya ng karne ng baboy at manok?
Sa programang "Dapat Alam Mo!," napag-alaman na isa si Norbelle Santiago, sa mga fur parent na hilaw na pagkain ang ibinibigay sa tatlo niyang alagang chow chow dog.
Regular niyang inilalakad ang mga alaga niyang aso na bahagi ng kanilang ehersisyo. Mga baby ang turing ni Norbelle sa kaniyang mga alaga.
Ayon kay Norbella, sa tatlo niyang alaga, si Sassy ang napansin niyang may problema sa kalusugan at balat.
Mula sa pagiging madilaw ng ihi, may pagkakataon na nagkaroon na rin ng dugo ang ihi ng alaga. At nang ipasuri niya sa beterinaryo, doon na natuklasan na mayroon UTI palagi si Sassy.
Bukod sa UTI, sensitive din daw ang balat ni Sassy at madalas nalalagas ang balahibo.
Dahil sa kondisyon ni Sassy, sinubukan ni Norbelle ang raw feeding o pagpapakain ng hilaw na pagkain sa mga alaga.
Mula sa dry food, unti-unti raw hinaluan ni Norbelle ng raw food ang mga pagkain ng alaga. At hindi nagtagal, raw diet na ang kaniyang mga baby.
Doon ay napansin daw ni Norbella ang malaking pagbabago sa kaniyang mga alaga, lalo na kay Sassy.
"After ko silang na-transition sa raw food, clear yung weewee [ni Sassy]. Tapos ang gusto ko kasi maliit lang yung poops para madaling linisin kapag naglalakad kami. Tapos si Sassy ayan, maganda na balahibo niya,' ani Norbelle.
"Wala silang amoy, malinis sila. Hindi sila sakitin na mga aso," dagdag niya.
Ayon kay Norbelle, 80 percent ng ibinibigay niya sa kaniyang mga alaga ay meat o karne, 10 percent ang bone, five percent ang organ gaya ng liver ng manok, at five percent na gulay. Nilalagyan din niya ng fish oil ang diet ng mga alaga niya.
Umaabot sa kalahating kilo ang raw food na nakokonsumo ng bawat aso ni Norbelle na sapat na raw para makuha ng kaniyang mga alaga ang kailangan nilang sustansiya sa isang araw.
Ang kombinasyon ng pagkain na ibinigay ni Norbelle sa kaniyang mga alaga, laman na may buto ng manok, pork strip, lamang-loob ng manok at salmon belly, gulay at fish oil.
Ayon sa beterinaryong si Dra. Maria Craciella Clarete, marami talagang benepisyo na maaaring makuha ang aso sa raw food diet.
Maganda umano ito sa balahibo ng aso, nakababawas sa dumi, at amoy ng dumi, at mas maganda sa ngipin.
Pero paalala ni Clarete, dapat maging mabubisi sa paghahanda ng pagkain na hilaw dahil posibleng kontaminado ng Salmonella o E. coli bacteria ang karne na makasasama sa kalusugan ng mga alaga.
Dapat daw tiyakin na malinis ang pinagkukunan ng hilaw na karne, malinis ang paghahanda, at kung maaari ay huwag nang samahan ng buto ang pagkain ng aso.
Sa mga nais subukan ang raw food diet sa mga alaga, mas makabubuti umanong kumonsulta rin muna sa mga beterinaryo.--FRJ, GMA Integrated News