Naging dikit at mahigpit ang laban ng team ng batikang GMA broadcast journalist na si Jessica Soho at bowling legend Paeng Nepomuceno sa kanilang paghaharap sa "Family Feud Philippines."

Sa episode nitong Lunes, kasama ni Jessica ang tatlo sa mga nasa likod ng sikat niyang programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" na sina Tolits, Kat at Benj.
Kasama naman ni Paeng sa kaniyang team ang mga anak na si Rafu at Saira, manugang na si Ralph.

Nakauna sa puntos na 55 ang team KMJS sa first round nang bigong maka-steal ang Nepomuceno family.

Naulit ang sitwasyon na KMJS team ang nag-"play" sa second round at hindi pa rin naka-steal ang Nepomuceno family.

Dahil dito, nakalikom na ng 119 point ang KMJS team.

Pero nag-iba ang takbo ng laban sa third round nang ang Nepomuceno family ang nag-play, at ang ang KMJS team naman ang bigong maka-steal.

Napunta sa Nepomuceno family ang 102 point sa third round, habang nanatili naman sa 119 ang puntos ng KMJS team.

Sa fourth at final round, nag-"play" ang Nepomuceno family nang sila makakuha ng unang tamang sagot sa tanong na ano ang mahirap gawin ng left handed gamit ang kanang kamay.

Nasagot ng Nepomuceno family ang tamang mga sagot na "magsulat" at "kumain," pero may naitira pang dalawang sagot na hindi nila nahulaan.

Dahil dito, nagkaroon muli ng pagkakataon ang KMJS team ma-steal ang laro at manalo. Ang "mag-text" ang napili nilang sagot.

Gayunman, wala ang "mag-text' sa natitirang dalawang sagot mula sa 100 na tinanong o na-survey. Ang dalawang tamang sagot ay "mag-chop o maghiwa" at "magmartilyo."

Kaya naman ang Nepomuceno family ang nanalo ng P100,000 at may pag-asang manalo ng karagdagang P100,000 sa fast money round.

Madagdagan kaya ang premyo nina Paeng at Ralph ang kanilang premyo? Tunghayan ang buong episode sa video.--FRJ, GMA Integrated News