Kadalasang nababasa at naririnig ang usong salita ngayon na "manifesting." Nangangahulugan ito ng pagsasakatuparan ng mga ninanais ng isang tao sa kaniyang buhay. Ano nga ba ang dapat gawin para i-claim o matupad ito? Alamin.

"Manifesting is actually bringing your desires into reality. 'Yung gusto mong matupad na iniisip mo, mararamdaman mong matutupad. Parang wishing tapos bringing it into reality," sabi ng manifesting coordinating at intuitive entrepreneur na si Ethel Tongco sa Unang Hirit nitong Biyernes.

Dagdag ni Tongco, "better than wishing" ang manifesting.

Nagbahagi si Tongco ng ilang tips kung paano i-manifest ang ating mga layunin at pangarap para maisakatuparan.

1. Sabihin ang mga tamang salita

Sa halip na "I wish," sabihin ang "I will" o "it is my will" o "I will that I have."

Katulad daw ito sa law of attraction, na nangangahulugang nagdudulot ng positibo ang mga positibong iniisip sa buhay ng isang tao.

“Kasi 'pag sinabing ‘wish’ or ‘want,’ puwedeng hindi magkatotoo. Pero 'pag sinabi mong ‘will,’ 'yung buong katauhan mo, energy mo, nandun,” sabi ni Tongo.

“Kailangan mo siyang i-claim,” dagdag niya.

2. Two-glass method

Para gawin ito, linisin muna ang espasyo gamit ang mists, asin, o sage smudge sticks.

Maglagay ng tubig sa isang baso at panatilihing walang laman ang isa.

Pagkatapos, maghanda ng dalawang piraso ng papel.

Sa unang papel, isulat ang kasalukuyang sitwasyon. Sa isa pang papel, isulat naman ang mga kahilingan. Siguruhing tiyak o "specific" ang mga ito.

Itupi ang parehong papel ng tatlong beses papunta sa iyo dahil sa paraang ito, iniimbitahan nito ang iyong mga kahilingan sa buhay.

Ilagay ang unang papel sa ilalim ng baso na may tubig, at ilagay ang pangalawa sa ilalim ng basong walang laman.

“And then this is the part where kailangan ka mag-meditate. Kailangan mong i-wish 'yung gusto mo: I-bi-visualize mo na siya. Kapag pumipikit ka, ilalagay mo 'yung energy mo doon sa water,” sabi ni Tongco.

Sisipsipin ng tubig ang iyong enerhiya, kaya kailangan nasa mabuting pag-iisip habang nagninilay.

Kapag nailatag na ang mga intensyon, iwanan ang papel, at ilipat ang tubig sa basong walang laman. Pagkatapos nito, damahin ang kaligayahan sa iyong mga pangarap na para bang natupad na. Pagkatapos nito, inumin ang tubig.

Nagpayo si Tongo na sunugin ang mga papel para ibigay ito sa universe.

3. Journaling

Upang gawin ito, linisin ang iyong lugar at pumunta sa isang sulok o lugar na kumportable.

Gawin ang 3-6-9 method. Kumuha ng kuwaderno at isulat ang mga hangarin tatlong beses sa umaga, anim na beses sa hapon, at siyam na beses sa gabi. Gawin ito para sa bawat intensyon o pangungusap.

“Gagawin mo siya until such time na ma-realize mo, or mangyari na 'yung gusto mo,” sabi ni Tongo.

Hangga't maaari, itabi ang journal malapit sa iyo, “para lagi mo siyang naaalala.”

4. Visualization sa pamamagitan ng apoy ng kandila

Maghanda ng kandila, at opsiyonal na lamang kung ito ay may mga kulay.

Gumamit ng pulang kandila kung gustong makuha ang pag-ibig, berde kung gusto mo ng pera, at dilaw o ginto para sa tagumpay.

“Ang pinaka safe for any intention [is] white or black kasi no color yun at all,” sabi ni Tongo.

Muling kumuha ng isang piraso ng papel. Isulat ang mga pangarap sa isa sa mga ito, itupi ito ng tatlong beses patungo sa iyo, saka ilagay sa ilalim ng kandila.

Magnilay-nilay habang hawak ang kandila at tumitingin sa apoy habang iniisip ang lahat ng gusto mong mangyari.

Ang pamamaraang ito ay dapat gawin araw-araw sa loob ng siyam na araw. Huwag kalimutang magtakda ng isang araw para sa pasasalamat.-- FRJ, GMA Integrated News