Sa halagang $20 o mahigit P1,000 lamang, kaya raw matukoy kung nasaan ang mga gadget at mamonitor ang galaw ng mga tao sa loob ng isang gusali gamit ang device na tinatawag na "Wi-Peep."
Sa ulat ng "Next Now," sinabing ang nadiskubre ito at pinatunayan ng ilang scientist mula sa University of Waterloo, Canada.
Gamit ang mga pangkaraniwang electronics na nagkakahalaga lamang ng $20 o mahigit P1,000, gumawa sila ng isang device na tinawag na "Wi-Peep."
Inilagay nila ito sa ordinaryong drone at pinalipad sa paligid ng isang gusali.
Nag-transmit ng signal ang Wi-Peep at natukoy nito ang lahat ng device na konektado sa Wi-Fi, kabilang ang mga gadget [tulad ng smartphone] na hawak o nasa katawan ng tao.
Kaya naman puwedeng mamonitor ng gumagamit ng Wi-Peep ang galaw ng isang tao na nasa loob ng gusali.
Sinusukat din ng Wi-Peep ang response time kaya natatantiya ang lokasyon ng bawat gadget.
"Using similar technology, one could track the movements of security guards inside a bank by following the location of their phones or smartwatches," sabi ni Dr. Ali Abedi ng University of Waterloo.
"Likewise, a thief could identify the location and type of smart devices in a home, including security cameras, laptops, and smart TVs, to find a good candidate for a break-in," dagdag ni Dr. Abedi.
Naging posible ang pag-track ng Wi-Peep dahil sa "polite Wi-Fi" o ang awtomatikong pag-respond ng devices sa tangkang pag-connect sa mga ito kahit na protektado ito ng password.
Nagrekomenda ang mga nagsagawa ng pag-aaral na lagyan ng mekanismo ang mga Wi-Fi chip para maging iba-iba ang response time ng mga ito at maging inaccurate ang mga device gaya ng Wi-Peep.-- FRJ, GMA Integrated News