Pinatunayan ni Paz Sanico, may-ari ng sikat na kainan ng balbacua sa Davao, na kayang umasenso sa buhay kapag nagsikap at nagtiyaga. Ang kaniyang eatery, nagsimula lang sa P200 na puhunan na kaniyang hiniram, at ngayon ay umaabot sa P100,000 ang kinikita bawat buwan.

Sa programang “Pera Paraan,” ikinuwento ni Paz na taong 1985 nang simulan niya ang kaniyang negosyong kainan sa Bankerohan.

“Estudyante ako noon, tapos nag-asawa kami. Binigyan ako ng kapital ng biyenan ko ‘yung P200, i-rolling ko lang daw ‘yan. Bili ng mga ulam at saka bigas,” saad niya.

Mula sa mga tindang lutong ulam, naisipan niya na idagdag na sa menu ang balbacua, na binabalik-balikan ng kaniyang mga parokyano.

“Nag-testing-testing lang tapos tinitikman ko. Lalagyan ko ng spices, mga pampalasa at sangkap," kuwento pa ni Paz.

Hanggang sa makayanan na ni Paz na umutang ng P20,000 upang idagdag na puhunan para maipakilala pa lalo ang kanilang balbacua.

Sa halip na balat ng baka, pata ang pangunahing sangkap ni Paz sa kaniyang balbacua.

Bago ang tagumpay, may mga pagsubok din na pinagdaanan ang negosyo ni Paz. Kabilang ang mga dating tauhan sa kainan na nahuhuli niyang nangungipit.

“Minsan nahuhuli ko ang aking mga tauhan. Noong unang pagtitinda ko kumukuha sila, nangungupit kaya pinaalis ko sila. Kumuha ako ng mga bagong katulong,” dagdag pa ni Paz.

Hanggang sa naging maayos na ang lahat, at katuwang na rin niya sa negosyo ang kaniyang pamilya.

Ang mga anak ni Paz, napag-aralan niya at naipagawa ang maliit lamang na bahay nila noon.

"Tulong-tulong lang kami. Nagtiyaga, nag-budget,” sabi ni Paz.“Nagpapasalamat ako na maraming kumakain sa aming tindahan. Pati mga taga ibang lugar pumupunta sa aming tindahan. Nakaka-proud talaga.”

Panoorin sa video ang kuwento ni Paz at matuto kung papaano magluto ng balbacua.--FRJ, GMA Integrated News