May panibagong pakulo sa Instagram si Juancho Triviño na nag-post ng video na makikitang may nangaroling na mga bata sa kinamumuhian niyang karakter na si "Padre Salvi."
Sa video, sinabi ni Renato (Kiel Rodriguez), na nagsabi kay Padre Salvi na may mga batang nais mamasko at mangaroling sa labas.
Iniutos naman ni Padre Salvi na buksan ang pinto dahil nais daw niyang madinig ang magagandang tinig ng mga paslit.
Napapaindak pa nga at mababakas na nag-e-enjoy naman sa kantang “Ang Pasko ay Sumapit,” ang kinaiinisang pari sa Kapuso hit series na "Maria Clara at Ibarra."
Pero nang banggitin na ng mga bata ang katagang "mamasko po!," sa halip na magbigay ng pabuya, isinara ni Padre Salvi ang pinto at umalis.
Sabi ni Juancho sa caption niya sa video post: "Pasko na sa Casa Salvi. Ang bait talaga ng mga bata ng San Diego at talagang nag handog pa ng awit para sa kanilang mahal na kura."
Naisipan ni Juancho na gumawa ng skit sa kaniyang karakter na si Padre Salvi para madala ng aliw sa kaniyang mga follower sa social media. Kamakailan lang, nag-upload siya ng video na nag-drive-thru si Padre Salvi sakay ng tricycle para umorder ng pagkain.
Mapapanood ang “Maria Clara at Ibarra” mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8 p.m. sa GMA 7. —FRJ, GMA Integrated News