Nilinaw ng "King of Talk" na si Boy Abunda, at tungkol sa pagiging magkaibigan nila ng "Queen of All Media" na si Kris Aquino. Nagkaroon nga ba sila ng hidwaan?

"Okay kami ni Kris," pahayag ni Boy sa panayam sa kaniya ni Jessica Soho sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Ayon kay Boy, huli niyang nakausap si Kris bago ito umalis patungong Amerika para magpagamot ng karamdaman.

Nilinaw ni Boy na wala silang hidwaan ni Kris, bagama't hindi perpekto ang kanilang pagkakaibigan.

"The friendship is not perfect. Wala kaming problema ni Kris na hindi namin napag-usapan, and I'm referring to things that are personal, things that are political, things that are professional," saad ng nagbabalik-Kapuso na si Tito Boy.

"Nabawasan lang ay 'yung pagkikita naming personal. May mga debate kami tungkol sa mga bagay-bagay, but walang nabago. I mean, that has always been my friendship," patuloy niya.

Kuwento pa ni Boy, si Kris mismo ang pumili ng kaniyang kasalukuyang tahanan, at doon din ikinasal ang actress-TV host.

"Mahirap mabuwag 'yon (pagkakaibigan). Physical presence yes, because of circumstances," ani Boy.

Ginawa niyang halimbawa ang pagkakaibigan nila ni Jessica, na bagama't matagal na hindi nakapag-usap o nagkikita ay nananatili pa rin ang kanilang samahan.

"To me that's one of the best kinds of friendship, the connection is there," ayon sa TV host.-- FRJ, GMA Integrated News