Ibinahagi ni Diego Llorico , na binansagang "Pambansang Bading" ng gag show na "Bubble Gang," na naging opisyal siya ng Citizenship Advancement Training (CAT) noong high school student siya.
Sa isang episode kamakailan ng Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga," isa si Diego sa mga naging guest choices, kung saan ikinuwento niyang pareho silang naging CAT officer ng kaniyang kuya.
"Noong high school kasi uso 'yung COTC (Cadet Officers Training Course). Bale 'yung kuya ko kasi fourth year high school siya, third year ako. So lahat ng nanloloko sa aking officer, inuupakan no'n. Siga-siga 'yon," sabi ni Diego.
Ayon sa Kapuso comedian, captain ang naging posisyon niya noon sa naturang citizenship training course.
At dahil may karanasan sa pagiging isang officer, ipinakita ni Diego ang ilang CAT commands, na in-execute naman ng Dabarkads.
'Di feeling artista'
Sa naturang segment, tinalakay ang mga artista na nagkaroon muna ng office job bago sila madiskubre.
Kuwento ni Diego, nag-umpisa siya sa GMA bilang Production Assistant bago siya madiskubre na umarte sa harap ng camera pagkaraan ng isang taon.
"Lumalabas na ako sa TV kasi, aksidente," ayon kay Diego. "Noong una hindi ko inisip na lalabas ako sa TV."
Kinagiliwan ng viewers si Diego sa "Bubble Gang" dahil sa naiiba niyang katangian, at patok ang kaniyang segment na "Atlit."
"May mga role kasi na hindi bagay... alam mo naman ang mga artista, ang gaganda 'di ba? May role na tingin nila bagay sa akin, so sinubukan. Tapos ayun, tuwing may mga ganoong role ako na 'yung lalabas," sabi niya.
Tinitiyak pa rin ni Diego na nagagawa pa rin niya ang kaniyang trabaho sa opisina, kahit lumalabas-labas na siya sa Bubble Gang.
Bilang production assistant, may mga pagkakataong kailangan munang manatili ni Diego sa opisina para tapusin ang iba pang trabaho.
"Naiintindihan ko 'yun kasi production ako. So alam ko 'yung trabaho," pahayag niya kahit maiwan sa set.
Kahit na sikat na bilang isang Kapuso comedian, hindi pa rin daw iniisip ni Diego na isa siyang artista.
"Hanggang ngayon, ang isip ko sa production [staff] pa rin [ako]. Tsaka siyempre kung ano ang ikadadali ng taping, kung ano 'yung mas ikaluluwag ng bawat isa doon lang ako," sabi ni Diego, na isa na ngayong Chief Producer. --FRJ, GMA News