Hanggang saan nga ba ang kayang gawin ng isang ina para sa kaniyang anak? Ang isang 56-anyos na ina sa Amerika, handang ipagbuntis ang supling ng kaniyang anak-- ang kaniyang magiging apo.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nabuntis ang ginang na si Nancy Hauck, nang itanim sa kaniyang matris ang embro ng kaniyang apo na nakuha sa in vitro fertilization o IVF mula sa kaniyang anak na si Jeff at manugang na si Cambria.
ALAMIN: In-vitro fertilization, paano nga ba isinasagawa?
Ayon kay Nancy, nahirapan noon na magkaanak ang kaniyang anak at manugang kaya sumailalim ang mga ito sa IVF.
Nakapagbuntis ng dalawang set ng kambal si Cambria pero nagkaproblema sa huli nitong panganganak. Kaya tinanggal na ng mga duktor ang bahay-bata o matris ni Cambria.
Ang problema, mayroong pang tatlong viable embryo na natitira ang mag-asawa. Kaya nagprisinta si Nancy na sa kaniya na lang ilagay ang embryo at siya ang magbubuntis para sa kaniyang magiging apo pa.
"This was certainly not something we planned." saad niya. "I just had a strong impression that I was supposed to consider being a carrier of them."
Sinuri muna ng mga duktor si Nancy kung kaya pa ng kaniyang katawan na magbuntis. Nang makita sa pagsusuri na kaya pa ni Nancy, sumailalim siya sa hormone treatment sa loob ng 12 linggo bago inilagay sa kaniya ang embryo.
Pagkaraan ng dalawang linggo, nag-positive na siya sa pregnancy test. Sa darating na Nobyembre, iluluwal na niya ang kaniyang apo.
"Some of the most beautiful things in life happen enexpectedly," sabi ni Nancy.
Lalo namang tumindi ang pagmamahal ni Jeff sa kaniyang ina dahil sa matinding sakripisyo na ginawa nito para kanila.
"There is no repayment for something like that. All I can do is follow the example my parents have set and try to give that same level of love and devotion to my own family and to others," ayon kay Jeff. --FRJ, GMA News