Tigil ang implementasyon ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa naturang programa na ipinatutupad sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Sa media briefing nitong Martes, sinabi ng kataas-taasang hukuman na "effective immediately" ang bisa ng TRO. Dahil dito, ipinagbabawal ang panghuhuli sa mga motorista sa pamamagitan ng NCAP.
Kasama rin sa pinagsabihan ng SC ang lahat ng partidong may kinalaman sa naturang programa, katulad ng Land Transportation Office at LGUs.
Itinakda ng SC ang oral arguments tungkol sa usapin sa Enero 24, 2023.
Ang TRO ay alinsunod sa inihaing petisyon sa SC ng mga transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, and the Alliance of Concerned Transport Organizations.
Ilang lungsod sa Metro Manila ang nagpapatupad ng NCAP kabilang ang Quezon City, Valenzuela, at Manila.
Pero inirereklamo ng ilang motorista at maging ng mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan ang labis na mahal ng multa kapag nahuli sa NCAP.
Wala rin umanong pagkakataon ang mga nahuli na maidepensa kaagad ang kanilang sarili sa sinasabing paglabag sa batas-trapiko na kanilang ginawa.
Una rito, nanindigan ang ilang alkalde na kailangan ang NCAP para maipatupad ang desiplina sa kalye, at matigil ang mga kotongan.--FRJ, GMA News