Sa programang "Sumbungan ng Bayan," isang babae ang nagreklamo matapos na hindi ituloy ng travel agency ang binayaran na niyang tour, na magsisilbi na sana niyang huling kahilingan dahil sa kaniyang malubhang sakit. Anu-ano nga ba ang mga red flag kapag nagbu-book sa isang travel agency para hindi ma-scam?
Kuwento ng netizen, mayroon siyang ovarian cancer at sinabihan siya ng doktor na hanggang Disyembre na lamang tatagal ang kaniyang buhay.
Ayon pa sa kaniya, hindi na siya tinugunan ng travel agency matapos siyang magbayad ng full payment.
Payo ni Atty. Ian Sia, ang babaeng maysakit ay biktima ng "force majeure" kaya maaari siyang magkansela ng kontrata at full refund ang dapat na ibigay sa kaniya.
Kung hindi siya babayaran ng agency, kailangan niyang humingi ng tulong sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry at Department of Tourism.
Gayunman, magkakaproblema ang babae kung "bogus" ang travel agency na kaniyang nakatransaksiyon.
Paliwanag ni Atty Sia, unang red flag sa isang travel agency ay kung "too good to be true" ang presyong inaalok ng travel agency.
Pangalawang red flag ng isang travel agency ay kung meron lamang itong Facebook account at walang verification identity ng mga tao.
Kaya dapat umanong tiyakin na may opisyal na website ang kumpanya dahil madali lamang gumawa ng isang Facebook account.
Kung meron namang website ang travel agency, siguruhing wasto ang web address nito dahil maaari nang magaya ang mga orihinal na website, o magdagdag ng letra sa URL ng website.
Maaari ding hingan ng kostumer ng business permit ang travel agency.
Isa pang red flag sa travel agency ay kung personal na account lamang ang bank account nito at doon ipapadeposito ang perang ibabayad.
Paliwanag ng abogado, ang isang negosyong totoo ay nagbubukas ng bank account sa pangalan ng mismong negosyo o kompanya.
Maaari ding masuri sa listahan ng DOT ang mga lehitimong travel agency.
Tunghayan sa video ang buong talakayan upang makapag-ingat at hindi maloko sa planong pamamasyal. --FRJ, GMA News