Kaya mo rin bang maging mabuting samaritano sa iyong kapuwa? (Mateo 10:25-37).
SA kabila ng matinding pagsubok na pinagdaanan natin, napakasuwerte pa rin natin sapagkat hindi pa rin tayo pinababayaan ng Panginoong Diyos.
Sapagkat nakakatayo at nakakaraos pa rin tayo sa harap ng mga problemang naranasan natin. Samantalang ang iba natin mga kababayan ay talagang halos pinadapa at iginupo na ng mga pagsubok gaya ng pandemiya at mga kalamidad.
Tingnan natin ang ating sarili at kalagayan ng ating buhay. Sa ating tahanan, komportable ba ang iyong matutulugan at may pagkain na maihahatag sa mesa anumang oras na naisin? Kung ganyan ang kalagayan mo, hindi ba’t mapalad ka?
Dahil sa ating paligid, may mga pamilyang naghihikahos at na hindi kasing suwerte na kagaya mo. Pamilyang nagsisiksikan sa maliit na barong-barong at nagsasalo sa kakarampot na makakain
Minsan, hanggang awa na lang ang naibibigay natin para sa mga taong naghihikahos. Hindi nating kayang maipagkaloob ang nararapat na tulong para sa kanila. Iniisip kasi ng iba sa natin na baka sila naman ang mawalan at mangailangan.
Ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 10:25-37) ay tungkol sa kuwento ng “Mabuting Samaritano” na hindi nagdalawang-isip na tulungan ang isang tao na binugbog, pinagnakawan at halos patay na nang iniwan ng mga tulisan.
Paano ba tayo magiging isang mabuting samaritano na katulad ng nasa Pagbasa? Madali kasing sabihin na mahal natin ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas at buong pag-iisip. (Lucas 10:27). Pero kaya ba natin itong isagawa?
Namumutawi sa ibang tao ang salitang “awa” ngunit hirap naman silang magbahagi ng kanilang mga “blessings” sa mga kapus-palad. Mayroon bang magagawa ang awa lang para sa kanilang kalagayan, at mabubusog ba sila ng awa at simpatiya?
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na lumapit at nagtanong kay Hesus ang isang taong dalubhasa sa kautusan kung paano siya magkakamit ng buhay na walang hanggan. (Lucas 10:25-27)
Madali din natin masasagot ang katanungang iyan kagaya din ng naging tugon ng lalaki kay Hesus. Subalit anong saysay ng isang pananampataya kung wala naman itong kalakip na gawa?
“Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao na kung sabihin man niyang siya’y pananampalataya ngunit hindi naman niya ito pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? (Santiago 2:14)
Marahil kaya nahihirapan ang ilan sa atin na patunayan ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay dahil sa kanilang pananaw na ang biyaya na kanilang nakakamit ay para lamang sa kanila. Dahil sa kanila itong pinagpaguran kaya bakit nila ibabahagi sa iba?
Kaya hindi nakapagtataka kung sa mga panahong ito ay iilan na lang ang mabubuting samaritano. Dahil nanghihinayang ang mga tao na ibahagi ang kanilang “biyaya” na sa Panginoon naman nanggaling.
Alalahanin natin na iniluwal tayo dito sa ibabaw ng lupa na walang tayong dala-dala. Kaya hindi natin maaaring solohin kung ano man ang mga biyayang mayroon tayo. At sa huli, ang biyayang tinatamasa natin ay maiiwan din natin kapag tayo'y pumanaw na.
Kaya ang hamon sa atin ngayon ng Pagbasa ay kaya pa ba natin maging isang Mabuting Samaritano para sa ating kapwa na kailangan ng tulong? O pipiliin na lang na sarilinin ang biyayang ipinagkaloob sa iyon ng Panginoon na dapat ay ibahagi mo sa tunay at karapat-dapat na nangangailangan? AMEN.
--FRJ, GMA News