Nanatiling matatag at lumalaban ang isang 21-anyos na dalaga sa Baggao, Cagayan sa mga nambu-bully sa kaniya dahil sa kaniyang craniofacial cleft. Bakit nga ba nagkakaroon ng facial cleft ang isang tao, at anong klaseng pagsasaayos ang isasagawa para mawala ang kaniyang deformity?
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Bernadette Reyes, sinabi ni Jessa Cue na proud siya sa kaniyang pagiging iba dahil sa kaniyang craniofacial cleft.
"Binu-bully din po ako ng mga classmate ko dati, lalong lalo na po 'yung mga nakikita ko sa daan na mga bata. Sinasabi ng ibang tao na malaki 'yung bunganga ko at ipinaglihian ako sa palaka, pero hindi naman," kuwento ni Jessa.
"Mababa po 'yung self-confidence ko lalo na noong papasok pa lang ako sa school," anang dalaga.
Pagkasilang ng kaniyang ina kay Jessa, nakita na agad ang mga guhit na tila hiwa sa kaniyang mukha, at may deformity din sa isa niyang kamay at paa.
Si Jessa lamang ang may bukod-tanging kondisyon sa kaniyang pamilya. Kaya hinala ni Carmelita, ina ni Jessa, dahil umano ito sa paglilihi niya sa kalabasa.
Base sa mga datos, isa sa 150,000 na mga tao ang ipinanganak na may craniofacial cleft, kung saan hindi nabubuo nang husto ang ulo ng sanggol sa sinapupunan ng ina.
"Ang cause ng facial clefts ay hindi pinaglihian or anything. Facial clefts are genetic abnormalities. Namamana ito o naipapasa from parents to their children, usually it happens kapag nasa womb pa lang ang bata," sabi ni Dr. Aileen Delos Santos-Garcia, isang ENT head and neck surgeon at facial plastic and reconstructive surgeon.
Sa kaso ni Jessa, facial reconstruction ang isasagawa sa kaniya, dahil aayusin ang kaniyang bone deformity sa mukha. Babala naman ni Dr. Santos-Garcia, magiging mas mahirap ang proseso para kay Jessa dahil nasa adult stage na ang dalaga.
Ikinuwento naman ni Jessa na hindi siya nagawang operahan noong bata pa siya dahil kinapos sa pinansiyal ang kaniyang mga magulang para bumiyahe sa ibang bansa.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, hindi nawawalan ng pag-asa si Jessa na maayos ang kaniyang facial cleft, sa tulong ng kanilang lokal na pamahalaan.
"Dapat mag-concentrate sila sa mga importanteng bagay na alam nilang magiging successful sila," mensahe ni Jessa sa mga tao.--FRJ, GMA News