Matagal nang sikat na pasyalan ang Pagsanjan sa Laguna, lalo na ang pagsakay ng bangka papunta sa sikat nitong talon sa lugar. Pero sa pusod ng ilog, may mga natatago pala itong mga "yaman" na posibleng magbigay ng kasagutan sa ilang lihim ng ating kasaysayan.
Sa dokyumentaryo ni Howie Severino para sa programang "i-Witness," ipinakilala ang maninisid sa Pagsanjan river na si "Mon."
Pero hindi isda ang sinisisid ni Mon sa ilog, kung hindi ang mga pambihirang mga bagay tulad ng mga lumang barya at mga sinaunang alahas.
Ipinopost niya sa social media ang mga nakukuhang gamit mula sa ilog at binibili ng mga kolektor.
Sa 10 taon na ginagawang pagsisid ni Mon, kabilang sa kaniyang nakuha mula sa ilog ay ang mga sinaunang barya na ginamit umano ng ating mga ninuno—kabilang ang tinatawag na "Piloncito," ang pinakaunang pera o barya na ginamit sa bansa.
Pero totoo kaya ang mga sinaunang barya na nakukuha ni Mon sa ilog, at bakit mayaman sa kasaysayan ang Pansanjan? Panoorin at mamangha sa video na ito ng "i-Witness." --FRJ, GMA News