“Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi”. (Mateo 11:21)
BAKIT may mga tao ang hindi marunong makuntento at madali agad silang magsawa? Lagi silang naghahanap ng bago. Kapag nagsawa na sila sa isang bagay ay maghahanap na naman ng iba hanggang sa paulit-ulit na lamang sila sa ganoong sitwasyon.
Ganito rin tayo minsan sa mga “blessing” na natatanggap natin mula sa ating Panginoon. Hindi rin tayo marunong makuntento sa mga dumarating na biyaya sa ating buhay, at kadalasan pa nga’y nakukuha pa nating magreklamo.
Minsan sa ating pananalangin ay nauuna pa ang reklamo natin sa Diyos sa halip na magpasalamat. Sinasabi natin, “Lord, bakit yung si ganito mas umaasenso kaysa sa akin samantalang masama naman ang ugali ng taong iyon?.” O kaya naman, "Lord bakit kakaunti lang ang mga blessings ko?”
Marahil ay totoo ang kasabihan na nagiging mahalaga lamang ang isang bagay na dati nating binabalewala kung ito’y nawala na sa atin. Minsan, dito natin mapagtatanto na masuwerte pala tayo dati sa napakaraming bagay o biyaya na hindi natin pinapansin.
Napagninilay-nilayan o naiisip na lamang natin ito kapag tuluyan nang nawala ang mga biyayang hindi natin pinahahalagahan dati.
Malimit tayong magreklamo kapag paulit-ulit ang ating pagkain, at sasabihing nakakasawa na. Nagrereklamo sa kinakain gayung ang ibang tao ay halos hindi na malaman kung saan sila kukuha ng kanilang kakainin.
Hindi tayo marunong magpasalamat sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin para hindi tayo magutom. Samantalang ang mga tao sa ating paligid na hindi kasing-palad natin ay masaya at kuntento na sa pagkain na kahit na galing sa basurahan o tinatawag na “pagpag”.
Kaya minsan, lumalabas na mas mapalad pa ang mga taong naghihikahos at salat sa buhay kumpara sa mga taong namumuhay ng sagana. Sapagkat naghihirap nga sila sa buhay pero kuntento na sila sa mga bagay na mayroon sila, at iyon ay ipinagpapasalamat na nila sa Diyos.
Samantalang ang mga namumuhay ng sagana, nasa kanila na ang lahat ng bagay subalit panay pa ang hiling at hindi man lang marunong magpasalamat sa biyayang tinatamasa mula sa Panginoon.
Ang ilan sa atin ay katulad marahil ng mga taga-Corazin at mga taga-Bethsaida na binabanggit ng ating Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 11:20-24). Hindi rin sila naging masaya sa mga biyaya at himalang ipinagkaloob sa kanila ni Hesus.
Kaya ang winika sa kanila ni Hesus: “Kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa kanila ay matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi (Mateo 10:21).
Ang bayan ng Corazin, Bethsaida at Capernaum ang tatlong bayan kung saan gumawa ng maraming himala si Hesus. Dito rin pinagaling ng Panginoon ang mga bulag at pinarami ang mga tinapay at isda para sa limang libong katao.
Ngunit matitigas ang ulo ng mga tao dito, ayaw nilang makinig at manampalataya kay Hesus sa kabila ng lahat ng mga kababalaghan o milagrong nasaksihan nila.
Kaya inihambing sila ni Kristo sa mga taga-Tiro at taga-Sidon at sa mga taga-Sodom na mayayabang at napakatigas ng ulo. Nagpapakita lamang ito na manhid sila sa kagandahang-loob ng Diyos.
May mga pagkakaon sa ating buhay na nawawala sa atin ang mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Hindi Niya ito binawi dahil nais Niya tayong parusahan, sa halip, nais lamang ng Panginoon na matuto tayong magpahalaga sa mga biyayang nasa sa atin.
Maging sa pagmamahal natin sa kapuwa, minsan ay malalaman lamang natin ang kahalagahan ng isang tao kapag wala na siya. Pero noong nabubuhay pa, binabalewala natin siya. Kung kailan nawala na siya, doon lamang tayo makakaramdam ng panghihinayang. Pero may magagawa pa ba ang “sana?”
Kaya ngayon pa lamang ay matuto na tayong magpasalamat sa mga biyayang ibinibigay sa atin ng Diyos. Matuto tayong pahalagahan ang mga taong mahal natin sa buhay habang sila'y kasama pa natin--tulad ng ating mga magulang. AMEN.
--FRJ, GMA News