Isang construction worker ang nagligtas sa buhay ng isang tatlong-taong-gulang na bata na halos mabigti sa pagkakabitin ng kaniyang leeg sa balkonahe ng isang gusali sa Dalian City, China.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing namataan ng mga residente sa lugar ang bata na nakabitin sa railing ang leeg sa balkonahe na nasa ikalimang palapag ng residential building.
Mag-isa lang umano ang bata at nakakandado ang kanilang unit kaya hindi ito nagawang pasukin ng mga kapitbahay.
Sa kabutihang palad, mayroong construction project na ginagawa malapit sa lugar.
Nagboluntaryo ang karpintero na kinilalang si Li Baoyi, na nagpakabit sa hook ng crane para malapitan at masagip ang bata.
Tumulong din ang mga katrabaho ni Baoyi sa construction sa pag-operate sa crane at tinangkang buksan ang pinto ng unit habang isinasagawa ang rescue.
Pahirapan ang pagsagip dahil walang ibang pagkakapitan si Baoyi para kumuha ng puwersa upang maitulak niya papasok sa loob ang bata.
Kaya kinakailangan niyang kumapit sa railings ng balkonahe at bumalanse samantalang dahan-dahang itinutulak papasok ang bata.
Sa ibaba naman ng building, nakahanda ang ilang residente na sumalo kung sakaling mahulog ang bata.
Nakapasok na sa balkonahe ang bata sa tulong ng construction worker, nang dumating ang tatay nito at tuluyan siyang hinila.
Hindi tinukoy sa mga ulat kung bakit naiwang mag-isa sa unit ang bata.
Maayos na ang kalagayan ng bata kahit na naipit ang kaniyang leeg. -- FRJ, GMA News