Makikita sa Museo ng Pampangulong Sasakyan sa Quezon Memorial Circle ang 12 sasakyang ginamit ng 13 na naging dating pangulo ng Pilipinas. Ang isa sa mga ito, itinuturing pinakapambihira sa lahat. Alamin kung bakit.
Sa #KuyaKimAnoNa? segment ni Kuya Kim sa GMA News "24 Oras," sinabing kabilang rito ang Packard Custom Super 8 180 Limousine, na parehong ginamit ng mga dating presidente na sina Sergio Osmeña at Jose P. Laurel.
Dahil katatapos lamang noon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi naging prayoridad ni Osmeña ang bumili ng panibagong kotse kaya ginamit na lamang niya ang kotse ni Laurel.
Makikita rin sa museo ang 1959 Cadillac Deville, na kapareho ng ginamit ng dating presidente na si Diosdado Macapagal, at ang 1980 Lincoln Continental Mark VI Signature Series noong administrasyon ni President Ferdinand Marcos Sr.
Naroon din ang sasakyan ni dating Presidente Joseph “Erap” Estrada. Gawa ang mga pinto nito sa steel plates at kevlar, na ginagamit para gumawa ng mga bulletproof vest.
Itinuturing pinakapambihira sa lahat ng koleksiyon ang 1937 Chrysler Airflow Custom CW na ginamit ni dating Pangulong Manuel Quezon.
Ang nasabing sasakyan ay "rare" umano sa Amerika, at nag-iisa lamang sa Pilipinas noong kapanahunan iyon.
Bukod sa mga sasakyan ng pangulo, mayroon ding apat na sasakyan na may kahalagahan sa kasaysayan ang itinatampok sa museo.
Ayon kay National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Presidential Car Museum senior curator na si Ismael Magallanes, nasa pangangalaga ng mga pamilya ng mga dating presidente ang kanilang mga sasakyan, hanggang sa ito'y i-donate sa komisyon.
“May mga makina pa po ito sa loob pero hindi na po ito pinapatakbo," sabi ni Magallanes.
Ang mga Presidente lamang ng Republika ng Pilipinas ang pinapayagang gumamit ng numero "1" sa kanilang plate number. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News