Sumuko na sa pulisya nitong Miyerkules ang driver ng SUV na nakabundol at nakasagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City.
Sa press conference, humingi ng paumanhin sa nangyari at sa biktimang si Christian Joseph Floralde, ang suspek na si Jose Antonio Sanvicente, ang driver at registered owner ng SUV.
"My apologies sa nangyari. My apologies kay Mr. Floralde at sa kanyang pamilya," saad niya.
Personal na sumuko si Sanvicente kay PNP officer-in-charge Lieutenant General Vicente Danao Jr. sa Camp Crame, kasama ang kaniyang mga magulang at abogado.
Handa umano ang kampo ng suspek na magbigay ng tulong kay Floralde na nakalabas na ng ospital. Gayunman, may nararamdaman pa umanong sakit sa katawan ang biktima.
Nitong Lunes, pinangalanan ng Land Transportation Office (LTO) si Sanvicente na may-ari ng sasakyan, matapos na hindi niya muling siputin ang pagdinig ng ahensiya.
Sa nasabi ring araw, pinasaringan ni Danao si Sanvicente kasabay ng payo na sumuko na at huwag nang hintayin na lumabas ang arrest warrant.
"Tsina-challenge kita, Mr. San Vicente. Ayaw mo sumurrender, tama? Isa lang sasabihin ko sa'yo: Baka adik ka. Bakit ayaw mo sumurender?" sabi ni Danao noong Lunes.
"Because no person in his right senses will do that. Nakabangga ka na nga ng tao, imbis na tulungan mo lalo mo pang sinagasaan. Anong klaseng utak 'yan? Baka gumagamit ka [ng droga] kaya ayaw mo sumurrender. Remember, the PNP already filed a case against you," dagdag pa ng opisyal.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, itinanggi ni Sanvicente na gumagamit siya ng droga.
Handa raw siyang sumailalim sa pagsusuri kung ipapayo ng kaniyang abogado.
Tumanggi naman ang kampo ng suspek na sumagot sa ilang tanong tungkol sa naging aksiyon ni Sanvicente sa nangyaring insidente dahil hihintayin na lang nila ang pagdinig sa korte.
Nitong Lunes, kinansela na ng LTO ang driver's license ni Sanvicente.—FRJ, GMA News