Alamin ang mga posibleng dahilan kung bakit nahihirapang dumumi at kung papaano malalaman kung "healthy" ang dumi sa pamamagitan ng hitsura nito.
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Oyie Balburias, na ang pagiging constipated o hirap sa pagdumi ay sintomas na kulang sa fiber sa pagkain ang isang tao.
Sinabi ni Balburias na mahalaga ang fiber para ma-stimulate ang paggalaw ng malaking bituka o kung tawagin ay functional constipation.
Bukod sa fiber, mayroon din nagpapagalaw sa malaking bituka na serotonin na neurochemical upang mailabas ang "basura" sa loob ng katawan.
Isa pang maaaring dahilan ng functional constipation ay ang pagpipigil sa pagdumi na hindi dapat laging ginagawa.
Aniya, kapag tumatagal at paulit-ulit itong ginagawa, nagkakaroon ng epekto sa parte ng malaking bituka kung saan naiipon ang dumi.
Sinabi rin ng duktor na makikita sa hitsura ng dumi kung "healthy" ito kapag parang letter "S" o parang sawa ang hitsura.
"Pero kung ang stool ay parang isang buong molde, o kaya durog-durog, o kung ito'y tubig, maaaring may problema ka sa digestive tract o gut health.
Panoorin ang buong pagtalakay at kasagutan sa iba pang tanong tungkol sa kalusugan. --FRJ, GMA News