Pinatunayan ng isang transgender couple sa sa Davao City na walang pinipili ang pag-ibig . Ang kanilang pagmamahal, umabot hanggang sa harap ng altar.
Sa programang "iJuander," napag-alaman na "love at second sight" ang nangyari kina Ronnie Cortez, isang transwoman, at Jiem Encabo, na isang transman.
Una raw nagkita ang dalawa nang pumunta si Ronnie sa isang kaibigan na malapit sa bahay ni Jiem.
Nang makita ni Ronnie si Jiem, nagandahan siya rito pero paghanga lang na walang malisya.
Hanggang sa lumipas ang limang taon, nakatanggap ng mensahe si Ronnie mula kay Jiem, at nagkaroon na muli sila ng komunikasyon.
Nagpalitan ng chat ang dalawa at hindi inasahan ni Ronnie na bigla siyang liligawan ni Jiem.
Napag-alaman na ilang beses nang nabigo sa pag-ibig si Ronnie kaya hindi na siya umaasang may seseryoso pa sa kaniya.
Habang si Jiem, istrikto ang pamilya at hindi umano matanggap ng ina niya na isa siyang lesbian.
Pero nang muling magkita ang dalawa nang personal, nasilayan ni Ronnie ang kaguwapuhan ni Jiem kaya hindi na raw niya ito pinalampas at kaniya nang sinagot.
Sa paglipas ng mga taon, nanatiling matatag ang kanilang relasyon. Pero naging pagsubok sa kanila kung papaano ito tatanggapin ng mga magulang ni Jiem.
Hanggang sa isang araw, ipinatawag ang dalawa ng mga magulang ni Jiem, at doon na nila nakuha ang basbas upang payagan na silang magpakasal.
Ngunit pag-amin ng magkasintahan, nang una silang makapanayam sa simbahan, nagkaroon ng pangamba ang kanilang kausap kung mabibigyan ba sila ng marriage license.
Pero ang pangamba, napalitan ng tuwa nang mabigyan na sila ng lisensiya para maikasal. Katunayan, masaya rin umano para sa kanila ang nagbigay ng marriage license.
At sa araw ng kanilang kasal sa simbahan, si Ronnie, astig sa suot niyang blue suit with bow tie. Habang si Jiem, glowing sa suot niyang gown.
Tunghayan ang buong kuwento ng pagmamahal nina Ronnie at Jiem sa video na ito ng "iJuander."-- FRJ, GMA News