Ipanalangin din natin gaya ni Hesus ang ating mga mahal sa buhay na iiwan natin sa mundo. (Juan 17:11-19): “Hindi Ko idinadalanging kunin Mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas Mo sila sa masama.” (Juan 17:15).
ITO ang panalangin ng Panginoong HesuKristo sa Kaniyang Amang nasa Langit para sa Kaniyang mga Disipulo na maiiwan Niya sa ibabaw ng lupa.
Idinadalangin ni Hesus ang Kaniyang mga Alagad para ingatan sila ng Diyos Ama. Upang sakaling tuluyan na Siyang umakyat sa Langit ay makatitiyak Siyang ligtas ang mga Disipulo Niya sa lahat ng oras at pagkakataon.
Ibinilin ng Panginoon ang Kaniyang mga Alagad sapagkat noong Siya’y naririto pa sa ibabaw ng lupa at kasa-kasama Niya sa pangangaral at panggagamot ang Kaniyang mga Disipulo. Iningatan din Niya ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pangalan ng Diyos Ama. (Juan 17:12).
Napakasarap ng pakiramdam kapag mayroon taong nananalangin pa rin sa ating kaligtasan, kaginhawahan sa buhay o kaya naman ay para sa ating maayos na kalusugan.
Kung ano ang panalangin niya para sa atin, nawa’y ganoon din ang ating dalangin para naman sa taong nagmamalasakit sa atin. Sapagkat hangad niya ang ating kaligtasan.
Sa ating kasalukuyang panahon, lalo na sa mga bagong kaganapan sa mundong ginagalawan natin, may mga pangyayari na hindi natin matanggap. Halimbawa na lamang ang naging resulta ng nagdaang halalan sa ating bansa.
Subalit magmaktol man tayo o magalit, hindi na natin maaaring mabago ang iginuhit ng kapalaran. Iyan ang isang katotohanan na kailangan natin tanggapin sa ating sarili. Pero mayroon tayong maaaring gawin, at ito ay ang ipanalangin natin ang ating bansang Pilipinas.
Tanging panalangin na lamang katulad ng naging panalangin ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 17:11-19) ang puwede nating gawin. Hindi lamang para sa atin sarili, o sa kapamilya, o kaibigan, kundi hindi para sa lahat.
Katulad ng natunghayan natin sa Ebanghelyo, darating din ang araw na lilisanin natin ang mundong ito tulad ni Hesus para bumalik sa tahanan ng ating Amang nasa Langit. At ang mga taong maiiwan natin gaya ng ating mga mahal sa buhay ang magpapatuloy na makararanas kung ano ang mangyayari sa hinaharap--pangit man o maganda.
Katulad ni Hesus, hangad din natin na nasa mabuting kamay ang mga taong maiiwan natin dito sa mundo. Kaya napakahalaga na ngayon pa lamang, habang tayo'y nabubuhay pa, simulan na natin ang manalangin para sa ating mga mahal sa buhay, sa mga taong mahalaga sa atin, at maging sa ating bansa, na sana'y maging maayos, ligtas at maginhawa ang lahat. AMEN.
--FRJ, GMA News