Kung hindi naging broadcaster ang isa sa mga GMA News pillar na si Mike Enriquez, malaki ang posibilidad na naging pari siya.
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Mike na pumasok siya noon sa seminaryo para maging pari. Ang pagiging malapit niya sa Diyos ay bunga ng pagiging lay minister at presidente ng choir ng kaniyang ama sa kanilang parokya.
"Ang sabi niya, ang buhay ng tao parang circle. Sa umpisa malapit ka sa Diyos, habang umuusad ang buhay mo, lumalayo ka dito sa pinanggalingan mo. Ngayon kapag tumatanda ka na, bumabalik ka ulit sa Diyos, sabi niya," sabi ni Mike.
"Ayun ang analogy niya sa buhay ng tao. Kaya nu'ng bata ako gusto kong maging pari. But actually ngayon kung tatanungin mo ako, I would not mind being a priest up to now," dagdag pa ng 24 Oras anchor.
Sabi pa ni Mike, pumasok siya sa Franciscan seminary at namalagi roon ng hindi lalampas ng isang taon.
"Ako dapat one week lang eh. Tapos noong patapos na, sabi ko roon sa parents ko, 'Ayaw ko nang umuwi.''
Gayunman, hindi pumayag ang kaniyang mga magulang na tumuloy ng seminaryo si Mike.
"Sinabihan ako ng Rector, superior, na 'You cannot stay because wala 'yung consent ng parents mo.' Ang hagulgol ko no'n, grabe," ani Mike.
Matatandaang bumalik si Mike nitong taon sa trabaho matapos sumailalim sa kidney transplant.
Hindi pa rin nawala ang kaniyang pagiging madasalin, at maituturing niya ang kaniyang pinagdaanan bilang isang "spiritual journey."
"Dati na akong nagdadasal. Pero natuto akong lalo pang magdasal. So now, well, at least twice a day I pray silently, especially kapag papasok ako sa umaga, 'yung pasikat pa lang 'yung araw, kung minsan madilim pa. It's a good time to pray, huwag ka lang mawawalan ng concentration, baka maaksidente," ani Mike.
"At night, in the silence of my room. And then sometimes, in the middle of the day, bigla na lang akong napapadasal. Lahat ng dasal nag-uumpisa at nagtatapos sa pasasalamat. It's always 'Thank you, thank you, thank you!'"
Nagpaalala si Mike dapat laging magdasal, at hindi lang kung may kailangan ang isang tao.
"Lahat ng ito, at actually lahat ng meron tayo, pinahiram lang sa atin. And that's enough reason magpasalamat," payo ni Mike.
Aksidenteng naging brodkaster
Ikinuwento rin ni Mike na aksidente lang ang pagkakapasok niya sa broadcasting industry na naging buhay niya sa loob ng 50 taon.
Ani Mike, mayroon siyang kaibigan na isang announcer sa Manila Broadcasting sa Taft Avenue.
"One day tinawagan niya ako, sabi niya 'Hindi mo ba ako bibisitahin?' Sabi ko, 'Bakit maysakit ka ba?' Sabi niya 'Hindi, announcer na ako,'" sabi ni Mike.
Nang magkaroon ng pagkakataon, binisita niya ang kaibigan sa pinagtatrabahuhan nito. Nang araw na iyon, nalaman niya na kulang ng dalawang announcer sa opisina dahil naka-leave ang isa, habang suspindido ang isa pa.
"Sabi nung classmate ko all of a sudden, sabi niya 'Mike is applying for a job,' sabi ko, 'Of course not.' 'Yeah, yeah, he is applying to be a announcer,' sabi nung kaibigan ko. Ito namang si manager, desperado rin magkaroon ng reliever, sabi niya, 'Oh why don't you try, nothing to lose,'" balik-tanaw ni Mike.
"Eh 19-years-old 'di ba, nothing to lose, full time student, sabi ko, 'What should I do?' Sabi niya, 'Read the newspaper.' Manila Bulletin dati 'yun e ... It was an item about the elections," patuloy niya.
Hindi raw nakaramdam ng kaba si Mike nang sandaling iyon dahil hindi naman talaga siya nag-apply sa trabaho. Sinabihan siya na basahin niya ang pahayagan kahit sa anong paraan na gusto niya.
"Binasa ko, tapos at the end tinanong niya ako, 'When can you start?' Oh e siyempre ako naman si loko, adventurous, curious, so sabi ko tomorrow," ani Mike. "So the next day I was there 8:00 and then rest is, well, here we are." —FRJ, GMA News