Maghasik tayo ng pag-ibig sa ating kapuwa katulad ng winika ni Hesus (Juan 15:12-17): “Ito ang aking utos, magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” (Juan 15:12).
KINAKAILANGAN sigurong magkaroon muna tayo ng isang bagay bago tayo makapagbigay. Halimbawa, paano ka magbibigay at mamamahagi ng pagkain kung wala ka namang pagkain?
Paano kang magbibigay at mamamahagi ng damit kung ikaw mismo ay walang maisuot? Hindi tayo makakapagbigay kung tayo mismo ay salat. Napaka-imposibleng makapagbigay tayo kung wala naman mapipiga sa atin.
Katulad halimbawa sa larangan ng pag-ibig, paano tayo iibig at magmamahal sa ating kapuwa kung hindi natin alam kung ano ang kahulugan ng “pag-ibig.”
Paano mo mamamahalin ang isang tao kung hindi naman nararamdaman ng puso mo ang magmahal. Baka nga ni mismong sarili mo ay hindi mo minamahal.
Talagang hindi mo maibibigay ang isang bagay na ikaw mismo ay wala. Wala tayong maibabahaging pag-ibig sa ating kapuwa kung ikaw mismo ay hindi marunong magmahal. Pero papaano nga ba?
Hindi natin mauunawaan ang mensahe ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 15:12-17), kung hindi natin alam ang kahulugan ng salitang pagmamahal o pag-ibig. Gaya ng winika Niya sa Kaniyang mga Alagad.
Kung nais mong maunawaan ang totoong kahulugan ng “pag-ibig o pagmamahal” ay kailangan mo itong simulan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya. Sapagkat dito mo maiintindihan kung papaano nagsimula ang pag-ibig na tinutukoy ni Hesus.
Nagsimula ang pag-ibig ng Panginoong Diyos sa lahat ng Kaniyang nilalang nang likhain Niya ang tao at lahat ng bagay na nakikita natin dito sa ibabaw ng mundo. (Genesis 1:31 at Gen. 2:25).
Hanggang sa isinugo Niya ang Kaniyang bugtong na anak na si HesusKristo upang iligtas at tubusin tayo sa ating mga kasalanan na mababasa natin sa Sulat ni San Juan.
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sangkatauhan, kaya’t ibinigay Niya ang Kaniyang kaisa-isang Anak (Hesus), upang ang sinomang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak. Sa halip ay magkaroon ng buhay na walang hanggan”. (Juan 3:16)
Kailangan muna natin makilala ng lubusan si Hesus kung nais natin maunawaan ang kahulugan ng pag-ibig. Kailangan muna natin Siyang anyayahan sa ating buhay kung nais natin maramdaman kung papaano umibig gaya ng pag-ibig ni Kristo sa ating lahat. Matuwid man o hindi, makasalanan man o banal.
Sapagkat namutawi mismo sa bibig ng Panginoong Hesus ang mga salitang nagpapakita ng Kaniyang labis na pag-ibig para sa atin. Ito ay nang winika Niya na: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan”. (Juan 15:13)
Hindi na natin kailangan pang higitan ang ipinamalas na pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagpapaka-pako at pagkamatay sa Krus. Napaka-simple lamang ang dapat natin gawin para kay Hesus.
1. Ang pagtalikod natin sa lahat ng ating mga kasalanan, 2. Pagsuko ng ating buhay kay HesusKristo at pagtanggap sa Kaniya bilang Panginoon at tagapagligtas, 3. Ang pagkakaroon natin ng isang malalim at matibay na pananampalataya sa Kaniya, at 4. Ang pagbabahagi ng pag-ibig at pagmamalasakit sa ating kapuwa.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na simulan natin sa ating mga sarili ang pagkakaroon ng pag-ibig. Kagaya ng pag-ibig ni HesuKristo para sa ating lahat.
Napakaraming suliranin na kinakaharap ng ating mundo, marami ang nagkakagulo, napakarami ang naghihirap. Ang pag-ibig na lamang ang maaaring magbuklod sa atin.
Huwag natin hayaan na magapi ng galit at pagiging makasarili ang pag-ibig at pagmamalasakit. Maging instrumento sana tayo ng pag-ibig ni Hesus at ng Panginoon sa ating kapuwa. AMEN.
--FRJ, GMA News