Isang overseas Filipino worker na nagtatrabaho sa isang kainan sa Al Ain, United Arab Emirates ang nagnakaw umano ng pera at pagkatapos ay umuwi ng Pilipinas. Dahil sa kaniyang ginawa, nadamay ang mga katrabaho niyang OFW na sinisingil daw ng kanilang amo.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, itinago sa pangalang "Celso" ang OFW na umano'y tumangay ng pera sa kaniyang pinapasukan na aabot sa 9,000 dirham o katumbas ng mahigit P130,000.
Ayon sa katrabahong OFW ni Celso na itinago naman sa pangalang "Andres," may nasabihan umano ang suspek na malaki ang naipatalo nito sa online sabong nang mangyari ang insidente noong Abril.
Pero dahil nakabalik na sa Pilipinas si Celso, ang mga naiwan niyang kababayan na nagtatrabaho sa kainan ang sinisingil ng kanilang amo sa pamamagitan ng pagkaltas sa kanilang sahod.
Ayon kay Andres, nagbanta raw ang kanilang amo na hindi nila matatanggap ang kanilang benepisyo kapag hindi nila nabayaran ang perang nakuha ni Celso.
Pero bukod sa usapin ng pera, sinabi ni Andres na tila nawalan na rin ng tiwala sa kanilang mga OFW ang kanilang amo.
"Ngayon parang lagi kaming pinag-iisipan," ani Andres.
Ayon sa operation manager ng kainan na umano'y ninakawan ni Celso, pinagbabayad nila ang OFW dahil may pagkakamali rin daw ang mga ito sa nangyari.
Hindi raw sana makakapasok at makapagnanakaw si Celso kung nasuri ng mga OFW ang susi sa backdoor kung saan dumaan ang suspek.
Nais ni Andres na mahuli si Celso at managot sa ginawa nito na ikinadamay nilang iba pang OFW.
Hindi rin daw niya matanggap na makaltasan sila ng sahod, at mawala ang kanilang benepisyo.
Sa ipinadalang mensahe ni Celso, sinabi niya na walang katibayan na mahigit 9000 dirham ang nakuha niya.
Balak din daw niya na bumalik sa UAE para maghain ng kaso. Pero tumanggi na siyang magbigay ng iba pang detalye.
Ayon kay Atty. Kristjan Gargantiel na isang volunteer lawyer, sa patakaran ng batas sa Pilipinas ay hindi puwedeng litisin ang isang kaso na nangyari sa ibang bansa.
Inihayag naman ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na wala silang record ni "Celso," at maging sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Nakausap na raw nila si Andres at pinayuhan ang kompanya na magsampa ng reklamo sa pulisya laban kay Celso. Sa ganitong paraan ay ang korte umano ang magpapasya kung dapat ipasa sa mga OFW ang ninakaw na pera.
Ayon naman kay Andres, nakapaghain na ang kompanya ng kaso laban kay Celso. Pero dahil kinaltasan pa rin ang sahod nila, dumulog na rin sila Ministry of Labor ng UAE para sa naturang usapin.--FRJ, GMA News