Isa na marahil ang Eleksyon 2022 sa mga pinaka-emosyonal na halalang ginanap sa bansa. Pero kung may balak kang "mag-block," "mag-unfriend," at "mag-unfollow" ng kaibigan o kamag-anak na iba sa iyo ang naging pananaw sa pulitika, pakinggan muna ang payo ng isang psychiatrist.
Sa programang "Unang Hirit," sinabi ng psychiatrist Dr. Joan Mae Perez-Rifareal, na natural lang na mataas ang emosyon ng isang tao kapag may pinagdadaanan at naaapektuhan nito ang ating "thinking brain."
“Itong time ng post-election, medyo heightened ang emotions ng iba sa ating mga kababayan. Especially 'pag may loss, 'pag dumadaan tayo sa grieving process or parang 'pag may nawala. Be it nawalang opportunity, nawalang plans for the future,” ayon kay Dr. Rifareal.
“Pag heightened ang ating emotions, nawawala ang logical or thinking brain or ating objectivity sa pagtingin sa mga issue,” paliwanag niya.
Kapag mataas ang emosyon, payo ng duktor--lalo na sa madalas sa social media--na panatilihing bukas ang komunikasyon.
“What does this mean? Dapat ‘wag tayo judgmental. Mas maganda pakinggan nating ang opinyon ng ating mga kamag-anak at friends. Be compassionate, understanding; open mindedness para maging healthy po ang ating discussions,” saad niya.
Itinuturung ni Dr. Rifareal na "extreme" move kung iba-block, i-a-unfriend o i-a-unfollow na ang isang tao dahil sa naging iba ang paniniwala nito sa nagdaang halalan.
Anang duktora, may isang paraan para mabawasan ang pakikipag-ugnayan sa kanila sa panahon na mataas pa ang emosyon.
Maaari umanong i-hide o i-mute muna sila.
“Para 'di tayo ma-notify. Mas magiging quiet ang ating notifications. In the end, mas maganda that we remain at peace with everyone. Proseso po ito, at aabot din po tayo sa point na tayo ay magkakaisa at magkakaintindihan in the end,” paliwanag ni Dr. Rifareal.
Ayon pa sa duktora, dadaan sa proseso bago mapaghilom ang nasira o nagkalamat na relasyon na idinulot ng magkakaibang pananaw sa pulitika.
“Hindi natin masasabi na one day lang, okay na lahat. It will take months or years pero mas maganda po, reassure natin na kung ano man ang mangayari, andito pa rin ang ating friendship,” payo niya.
Sa ngayon, ang pinakamaganda raw gawin ay mag-set ng boundaries.
“Set limits, especially when it comes to relationships at kung ito ay nakakaapekto na sa ating functionality sa trabaho at schooling, mas maganda aware po tayo sa ating emosyons,” dagdag niya.— FRJ, GMA News