Sa tulong ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," natupad ang pangarap ng isang 24-anyos na babae sa Ilocos Sur, na nawala noong dalawang-taon-gulang pa lang siya, na mahanap ang tunay niyang pamilya sa Pangasinan.
Sa ulat ni Ivy Hernando, napag-alaman na matapos na maiulat ng "Balitang Amianan" at lumabas din sa GMA News Online noong unang bahagi ng Marso ang panawagan ni Jadelhyn "Jade" Calixterio, naninirahan sa San Juan, Ilocos Sur, para mahanap ang mga tunay na pamilya sa Pangasinan, nakarating ito sa kaniyang mga kamag-anak sa Binmaley.
READ: Batang nawala noong 1997, 24-anyos na ngayon at hinahanap ang tunay na pamilya sa Pangasinan
Kabilang sa mga nakapanood ng naturang panawagan ay si Joel Rosario, kapatid ni Eufemia Rosario, ang lumitaw na biological mother Jade.
Kuwento ni Joel, kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng DNA test ay ramdam na ng kanilang angkan na si Jade ang nawawalang anak ng kaniyang ate Eufemia.
Nagkaroon ng komunikasyon si Jade sa pamilya ni Joel at nagbigay siya ng DNA sample para masuri.
Makaraan ang dalawang linggo, lumabas ang resulta ng DNA test na 99.99% na ina niya si Eufemia, na kasalukuyang nasa ibang bansa.
"Nung nakita ko nga na 99% [resulta na match], natuwa na ako," ani Eufemia.
"Ma, gustong-gusto na kitang mayakap," masayang sabi ni Jade. "Pati na rin sa mga kapatid ko, gusto ko nang maka-bonding."
Tiniyak din ni Jade sa mga umampon at nag-alaga sa kaniya na hindi magbabago pagmamahal niya sa mga ito.
Kuwento ni Eufemia, 1996 nang isinilang niya si Jade na ang tunay na pangalan ay Joyce Anne Cabigin, na nag-iisa pa lang niyang anak noon.
Taong 1998, dinala ng kaniyang lola si Jade sa parke ng Dagupan City, Pangasinan, at doon na siya nawala matapos umanong kunin ng isang lalaki.
Suot ni Jade noon ang kaniyang damit na naging daan at nagsilbing palatandaan niya sa paghahanap sa tunay na pamilya sa Pangasinan.
Batay sa naunang naiulat nang manawagan noon si Jade, sinabing napulot siya ng isang nagdedeliber ng prutas sa isang bakuran sa Dagupan City na mag-isa.
Dahil sa pangamba ng nakapulot sa kaniya na mapahamak siya kung iiwan na lamang sa lugar, isinama siya nito sa kanilang tirahan sa Ilocos Sur.
Tinangka naman nilang hanapin ang mga magulang ni Jade sa Dagupan pero na hindi nito matandaan ang eksaktong lugar kung saan siya nakita.
Nabigo rin si Jade na makita ang pamilya nang maghanap siya ng kaniyang mga kamag-anak nang magtungo siya noon sa Pangasinan.
Sa kaniyang panawagan sa Balitang Amianan, ipinakita ni Jade ang pinagliitan na niyang damit na sinasabing suot niya nang mawala siya at ilang larawan noong bata siya.
Sa kabila ng pagkakawalay ng mahigit 20 taon, tanging pasasalamat na lamang ang nasa puso nina Jade at Eufemia dahil muli silang magkakasama.
Nagpapasalamat ang pamilya Rosario sa kumupkop kay Jade na isa na ngayong medicine student.
Nakatakdang magpunta si Jade o Joyce sa Pangasinan para makita ang mga kamag-anak doon. Samantalang plano ni Eufemia na umuwi ng bansa sa darating na Disyembre. --FRJ, GMA News