Isang taon nang binubulabog tuwing gabi ng ingay ng mga batong bumabagsak sa bubungang yero ang nasa limang bahay sa isang barangay sa Norgazaray, Bulacan. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nila alam kung sino ang nambabato.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng mga residente na pagsapit ng 7:00 pm hanggang 11:00 pm nangyayari ang misteryosong pambabato sa limang bahay na makakatabi sa Barangay Poblacion.
Ang ibang residente, naniniwalang hindi sila ang puntirya ng nambabato pero tinatamaan ang kanilang bubungan kapag hindi umabot ang bato sa pinupuntiryang bahay.
Dahil hindi nila malaman kung sino ang nambabato, nakakatuwaan na lang ng ilang residente na isipin na baka mga "kakaibang" nilalang ang nasa likod ng pambabato.
Pero si Liza Sarmiento, naghihinala na ang kapitbahay nilang si Jerry Mudlong, na nakatira sa mataas na bahagi ng lugar ang nambabato sa kanila.
Dati raw niya kasing nakaaway si Jerry dahil sa ginawang pagbasag sa kaniyang bote na gamit sa negosyo.
Pero itinanggi ni Jerry ang paratang at sinabing hindi na niya kayang bumato nang malayo dahil na-stroke na siya.
Wala rin daw siyang mapapala kung mambabato ng bahay. Katunayan, kahit nga raw ang kaniyang bubungan ay binabato rin.
Para malaman kung totoo ang alegasyon ni Liza, pinuntuhan ng mga taga-barangay ang bahay ni Jerry.
Pinabato rin nila si Jerry para alamin kung kaya pa nga ba nitong bumato ng malayo.
Gayunman, bigo pa rin ang mga awtoridad na matukoy kung saan posibleng nanggagaling ang bato o kung sino ang nambabato.
Ang team ng "KMJS," naglagay ng mga CCTV camera upang matyagan ang paligid. May mahuli-cam kaya sila na magbibigay ng kasagutan sa misteryo tungkol sa nambabato sa mga bahay? Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News