Kaniya-kaniyang diskarte ngayon ang mga motorista para makatipid sa gasolina dahil mahal ang krudo. Ang isang lalaki, hinahaluan daw ng mantikang pinagprituhan ng manok ang diesel na inilalagay sa kaniyang sasakyan. Ang isa naman, may solar panel ang ginagamit na sasakyan.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na hinihingi ni Edmundo Briserio, isang engineer, ang mga mantikang ginagamit ng kaniyang kaibigan sa negosyo nitong unti-chicken wings.
Pero hindi naman gagamitin ulit ni Briserio sa pagluluto ang nahinging mantika. Sa halip, ibibilad niya ang mantikang nakalagay sa plastic container ng isang linggo.
Ito ay para bumaba umano ang mga latak na kasama ng mantika. Pagkatapos nito, sasalain naman ni Briserio ang mantika sa isang oil filtration system.
Kapag natiyak nang malinis ang mantika, saka niya ito ihahalo bilang pamparami sa diesel ng kaniyang sasakyan.
Ayon kay Briserio, nagsagawa siya ng pag-aaral na talagang peanut oil umano ang gamit sa diesel engine ng mga sasakyan. Kaya sinubukan niyang haluan ng mantika ang diesel sa kaniyang sasakyan.
Dalawang taon na raw niya itong ginagawa at wala naman daw siyang napansin na nagbago o problema sa performance ng kaniyang sasakyan.
Ang diskarte ni Briserio, kung bumibili siya ng 20 litro ng diesel, hinahaluan niya ito ng 10 litro ng gamit na mantika.
Subalit kahit dalawang taon na niya itong ginagawa, hindi naman basta inirerekomenda ni Briserio na gawin din ito ng ibang motorista sa kanilang sasakyan.
Pero uubra kaya na gamitin ang mantika na ginamit na pangprito sa ibang lutuin gaya ng daing? Panoorin ang video at alamin ang komento ng isang mechanical engineer sa ginawa ni Briserio.
Samantala, may kakaibang diskarte rin ang isang lalaki sa Batangas para hindi niya maging sakit ng ulo ang mahal na krudo. Dahil ang sasakyan niya, pinapatakbo ng solar power energy. Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News