Natukoy na ang pakakakilanlan ng lalaking nagpaluhod, nanuntok at sumipa umano sa isang security guard sa BF Homes Subdivision sa Parañaque City.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing inihahanda na ng BF Federation of Homeowners' Associations ang reklamong isasampa laban kay Kirk Matthew Teves, anak ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves.
Una nang iniulat na ikinagalit umano ng nakababatang Teves ang ginawang pagpigil sa kaniya ng biktimang security guard na si Jomar Pajares, na pumasok sa subdibisyon dahil sa walang "sticker" ang sasakyan nito.
Nangyari ang insidente gabi ng Marso 16, kung saan patapos nang magtrabaho ang guwardiya.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na naghamon pa ng suntukan at barilan ang nakababatang Teves habang nasa kaniyang sasakyan na siya ang nagmamaneho.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng nakatababang Teves matapos na tingnan ng BFFHIA kung sino ang may-ari ng sasakyan batay sa plate number nito.
Positibo ring kinilala ni Pajares ang nakababatang Teves na siyang nanakit sa kaniya.
Hanggang ngayon, aminado si Pajares na natatakot pa rin siya para sa kaniyang kaligtasan at ng kaniyang pamilya.
Hinihingan ng GMA News ng kanilang panig ang mag-amang Teves, ayon sa ulat. —FRJ, GMA News