Patuloy ang pagbabahagi ni Kris Aquino sa mga isinasagawa sa kaniyang medical tests na kinabilalangan ng bone marrow aspiration o pagkuha ng bone marrow fluid sa likod ng kaniyang pelvic bone.

Sa Instagram video, makikita ang mga larawan ni Kris at pati na ang kaniyang mga anak na sina Joshua at Bimby habang nasa ospital.

Bukod sa erosive gastritis at gastric ulcer sa isinagawang upper endoscopy, sinabi ni Kris na masakit pa ang isinagawang proseso sa kaniya na bone marrow aspiration.

“Kumuha ng bone marrow fluid from my back pelvic bone. That sample is now being tested to rule out a blood-related disorder associated with my weight loss and my being anemic,” paliwanag niya.

“There’s this parang nabugbog [nang] bongga feeling in my lower spine. Apart from medical limitations, halos wala na kasi akong fat to help ‘cushion’ my bones kaya [exaggerated] ang sakit,” sabi pa ni Kris.

 

 

Sa kabila nito, nagpapasalamat si Kris na walang nakitang tumor, walang cancer na na-detect, at maaayos ang kaniyang puso.

“I constantly remind myself to keep thanking God since my current pain is temporary. Malalagpasan rin kaya bawal umangal. Maraming mas malala ang pinagdadaanan,” pahayag ni Kris.

“May hinihintay pang mga resulta kaya manahimik, magpasalamat, at patuloy na magdasal,” patuloy niya.

Gagawin daw ni Kris na sundin ang utos ng kaniyang mga duktor na kumain ng marami, mag-relax, breathe some fresh air, at subukan ang recreational walking.

Bukod sa mga duktor, nurse at kaniyang mga anak, anak, nagpasalamat din si Kris kay Angel Locsin na nakita rin nasa ospital.

— FRJ, GMA News