Marami ang humanga at naantig ang damdamin sa dating Miss Ukraine na si Anastasiia Lenna nang mag-post siya ng larawan na may hawak na armas. Kaagad na inisip ng iba na kabilang siya sa mga sikat na personalidad sa Ukraine na sasabak sa digmaan laban sa mga sundalo ng Russia.

Ipinost ni Lenna ang naturang larawan sa kaniyang Instagram account noong Pebrero na may hashtag na #standwithukraine #handsoffukraine.

 

 

Pero lumitaw na airsoft rifle lang ang hawak niya at hindi tunay na baril.

Sa hiwalay na post, sinabi ni Lenna na isa siyang airsoft player. Makikita rin sa kaniyang IG ang ibang larawan na naglalaro siya at may hawak na airsoft rifle.

Sa hiwalay na post ni Lenna, naglagay siya ng video ng nagaganap na digmaan sa kanilang bansa.

"I AM NOT A MILITARY, JUST A HUMAN," paniwala niya sa caption ng kaniyang post.

"Due current situation I want to talk! I am not a military, just a woman, just normal human. Just a person, like all people of my country," patuloy niya.

Hangad daw ng kaniyang mga ipina-post na larawan na makapagbigay ng inspirasyon.

"I don’t do any propaganda except showing that our woman of Ukraine - strong, confident and powerful. I appreciate all attention and support to my country, all people in Ukraine we fight every day against Russian aggression. We will win!," pahayag niya.

 

 

Hindi man nag-armas si Lenna, tumutulong naman siya sa kaniyang mga kababayan sa ibang paraan tulad ng panawagan ng donasyon at tulong sa buong mundo para sa kanilang bansa.

"As you have heard on every news channel our people are in a fight to defend our homes from unprovoked invaders. We are defending not only our children but our democracy and freedom. I am begging you to please consider joining my group 'Donate Ukraine,'” apela ni Lenna sa hiwalay na post.

"This is my official group and all donations go to the Ukrainian war victims," dagdag niya.

 

 

Ilan sa mga kilalang personalidad sa Ukraine na nag-armas para lumaban sa Russia ang mga boxer na sina Vasiliy Lomachenko, Oleksandr Usyk, at magkapatid na Vitali at Wladimir Klitschko.

Kamakailan lang, iniulat na nasawi sa pambobomba ng Russia sa bayan ng Irpin ang Ukrainian actor na si Pasha Lee, 33-anyos, na sumama sa Ukraine's territorial defence force.

--FRJ, GMA News