Bistado ang isang lalaki na nagtangkang magpuslit sa Amerika ng mga ahas at horned lizards. Ang ilan sa mga reptile, itinago niya sa kaniyang singit.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nabisto ng mga tauhan ng Customs and Border Patrol ang tangkang pagpupuslit sa San Ysidro border crossing sa California noong nakaraang buwan.
Umabot umano sa 52 bags ng reptiles ang nakitang nakatago sa iba't ibang bahagi ng katawan at kasuotan ng lalaki.
Siyam sa mga ito ay ahas at 43 naman ang horned lizards.
"Smugglers will try every possible way to try and get their product, or in this case live reptiles, across the border," ayon kay Sidney Aki ng Customs and Border Patrol sa San Diego.
"The smuggler attempted to deceive CBP officers in order to bring these animals into the US, without taking care for the health and safety of the animals," patuloy niya.
Hindi tinukoy ang pangalan ng lalaking inaresto.
Isinailalim naman sa quarantine ang mga nakumpiskang hayop.-- AFP/FRJ, GMA News