Aminado ang 22-anyos na si Dhey Alvarez ang pagkahilig niya sa mga pagkaing piniprito tulad ng samgyupsal at unli-wings. Hanggang sa nakaramdam siya ng pananakit sa likod at paninilaw ng mata.

Sa "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Dhey na naging comfort food niya ang samgyupsal at unli-wings kapag nakakaramdam siya ng stress.

Nitong nakaraang taon, nakaramdam siya ng pananakit ng likod at sikmura. Nagsusuka rin siya, nanilaw ang kaniyang mga mata at hirap sa pagtulog.

Makaraang ang mga isinagawang pagsusuri, lumitaw na mayroon siyang gallstones.

Ang gallbladder o apdo ay bahagi ng ating digestive system.

Paliwanag ni Dr. Ron Michael Tan, Gastroenterologist, maaaring mabuo ang bato sa apdo kapag masyadong mataas ang antas ng kolesterol sa katawan.

Isa pang dahilan nito ang pagiging malapot ng "bile"  o ang likido na pangtunaw sa mga taba na galing sa pagkain.

Maaari din umanong mabuo ang bato sa apdo kung masyadong mabagal ang paggalaw ng gallbladder.

Ilan pa sa sintomas ng komplikasyon ng gallstones ang pagkaranas ng impatso, nilalagnat, at nagiging maselan sa matatabang pagkain.

Iba't iba umano ang laki ng gallstone pero mas delikado raw kung mas maliit ang stone, ayon kay Tan.

Paliwanag niya, maaari kasing bumara ang maliliit na stone sa mismong tubo ng apdo, at kapag nabarahan ay nagkakaroon na ng sintomas.

Sa nangyari kay Dhey, hindi lang ang bato o gallstone ang inalis kung hindi ang mismong apdo na niya.

Pero bakit nga ba kailangang alisin mismo ang buong gallbladder at ano ang magiging epekto nito sa katawan? May kinalaman nga ba ang hilig ni Dhey sa samgyupsal at unli-wings kaya siya nagkaroon ng gallstones?

Panoorin ang video ng "Dapat Alam Mo" para malaman din kung ano ang mga dapat gawin para hindi magkaroon ng bato sa apdo.

--FRJ, GMA News