Sa edad na 31, pumanaw na sa sakit na cancer ang isa sa mga pinaka-popular at hindi malilimutang kalahok sa America's Got Talent na si Jane Marczewski, na kilala rin bilang si "Nightbirde."
Hunyo noong 2021 nang mag-audition si Nightbirde at ipinamalas sa mga manonood ang kaniyang determinasyon na maging masaya at manatiling positibo sa buhay sa kabila ng kaniyang paglaban sa sakit--na batid niyang napakaliit ng tiyansa niyang magtagumpay.
Ayon kasi kay Nightbirde, two percent lang ang ibinigay sa kaniyang tiyansa na mabuhay. Pero hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.
“Two percent is not zero. Two percent is something and I wish people knew how amazing it is,” nakangiti niyang sabi nang araw na makuha niya ang "golden buzzer" mula sa judge na si Simon Cowell.
Bukod sa kuwento ng pakikipaglaban ni Nightbirde sa cancer, kahanga-hanga rin ang kantang isinulat niya na may pamagat na "It's Okay," na patungkol sa nalalabing isang taon ng kaniyang buhay.
Samahan pa ng pagkaganda niyang tinig na nagpatigil kay Simon ng ilang segundo para pigilan ang kaniyang emosyon sa tagos sa pusong mensahe ni Nightbirde.
“You can't wait until life isn't hard anymore before you decide to be happy,” saad niya.
Matapos ang naturang audition, nagpatuloy sa kaniyang paglaban sa sakit si Nightbirde.
Hanggang sa Agosto 2021, inanunsyo na hindi na smakakasali pa sa kompetisyon si Nightbirde dahil sa paglubha ng kaniyang kalusugan. —FRJ, GMA News