Sa taong 2030, sinasabing posible nang lumaki sa labas ng sinapupunan ng ina ang isang sanggol o fetus na kulang sa buwan at ililipat sa makinang magsisilbing "artificial womb."
Sa video ng Next Now, sinasabing layunin ng mga dalubhasa na nasa likod ng artificial womb technology na isalba ang buhay ng mga sanggol na iniluluwal na kulang sa buwan.
Marami umano sa mga sanggol na kulang sa buwan ang namamatay, at kung mabuhay man ay mayroong kapanansanan o karamdaman.
Umaasa ang mga researcher ng Eindhoven University of Technology sa The Netherlands, na magagamit na sa mga ospital ang tinatawag nilang "incubator 2.0" pagsapit ng 2030.
"It keeps the baby underwater while we emulate the inside of the womb as closely as we can. In current incubators, preterm babies are forced to start breathing when the their lungs aren't fully develop and not up to the job," ayon kay Jasmijn Kok, co-founder, Juno Perinatal Healthcare.
Dahil sa marami umano ang sanggol na isinisilang na kulang sa buwan, hangarin ng isang European consortium na pinangungunahan ng mga eksperto ng Eindhoven University na makabuo ng perinatal life support system para mapangalagaan ang mga preterm baby.
Inaasahan na mailalabas ang unang working prototype ng makina sa 2024, at kasunod nito ay sisimulan na ang preclinical and clinical trials.
Pero dahil bubuksan nito ang posibilidad ng pagkakaroon ng alternatibong paraan ng pagbubuntis, nagiging bahagi ng proyektong ito ng medisina ang usapin tungkol sa etika at maging ng relihiyon. --FRJ, GMA News